Ikatlong FITS Center sa Bondoc Peninsula, itinatag sa Mulanay, Quezon

Tue, 08/12/2025 - 17:47
FITS Mulanay

 

Bilang hakbang sa mas pinaigting na pagpapalaganap ng makabago at angkop na teknolohiya sa agrikultura, matagumpay na itinatag sa Mulanay, Quezon ang ikatlong Farmers/Fisherfolks’ Information and Technology Services (FITS) Center sa Bondoc Peninsula.

Magsisilbing bukas at inklusibong espasyo ang nasabing FITS Center para sa mga pangunahing stakeholder ng agrikultura, kung saan maaari silang kumuha ng libreng IEC materials tulad ng leaflets at brochures, gumamit ng internet, at makatanggap ng teknikal na payo mula sa Magsasaka Siyentista at mga teknikong pang-agrikultura. 

Sa pagbubukas ng nasabing pasilidad, aktibong nakiisa ang mga magsasaka at mangingisda ng Mulanay bilang mga panauhing pandangal—patunay ng kanilang suporta at interes sa programang makatutulong sa kanilang kabuhayan.

Matatagpuan ang FITS Center sa Tanggapan ng Pambayang Agrikultor, Brgy. Pob. 4, sa nasabing bayan.

Nagpaabot ng kanyang pasasalamat si Dr. Rolando V. Maningas, Center Director ng ATI CALABARZON, sa lokal na pamahalaan ng Mulanay sa kanilang pagtanggap sa programa, gayundin sa mga magsasaka at mangingisda sa kanilang masigasig na partisipasyon.

Nagpahayag din ng buong suporta ang lokal na pamahalaan sa pangunguna nina Mulanay Vice Mayor Jay Castilleja; G. Jesus Recto, Sangguniang Bayan Committee Chairperson on Agriculture and Fisheries; at Bb. Gracielle Decena, Municipal Agriculturist ng Mulanay.

Ang proyektong ito ay isinakatuparan sa ilalim ng Techno Gabay Program (TGP) sa paagtutulungan ng Southern Luzon State University (SLSU) at ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor ng Quezon.

 

Ulat ni: Janine Cailo (Information Officer III / ISS)

 

 

article-seo
bad