90 Magniniyog, Pinalakas ang Kasanayan sa Good Agricultural Practices sa Pagniniyog

Mon, 08/24/2026 - 16:04
GAP Coconut

 

Mas ligtas, de-kalidad, at sustenableng produksyon ng niyog ang isinusulong para sa 90 magniniyog na nagtapos sa tatlong pangkat ng Training on Good Agricultural Practices (GAP) for Coconut na isinagawa ng DA-ATI CALABARZON katuwang ang mga Tanggapan ng Pambayang Agrikultor ng Lucban, Quezon; Lobo, Batangas; at Tayabas City.

Sa loob ng tatlong araw na pagsasanay, pinalawak ng mga kalahok ang kanilang kaalaman at kasanayan sa mga rekomendadong pamamaraan sa produksyon ng niyog, kabilang ang wastong field layout, pagtatanim, at pamamahala ng taniman. Binigyang-diin din ang mga pamantayan at gawaing makatutulong sa pagpapataas ng kalidad at produktibidad ng ani habang pinangangalagaan ang kaligtasan ng mga magsasaka at ang kapaligiran.

Sa pamamagitan ng mga natutuhang GAP, inaasahang higit na maiiaangkop ng mga magniniyog ang kanilang mga pamamaraan sa mga pamantayan para sa ligtas at de-kalidad na produksyon, gayundin sa mga pangangailangan ng merkado.

Sa kabuuan, 90 magniniyog na ang nagtapos sa tatlong pangkat ng pagsasanay ngayong taon. Nakatakda naman ang tatlo pang batch sa Setyembre upang mas marami pang magniniyog ang maabot at mabigyan ng angkop na kaalaman at teknolohiya para sa mas produktibo at sustenableng pagniniyog.

Sa patuloy na pagpapatupad ng GAP for Coconut, pinalalakas ng DA-ATI CALABARZON ang kakayahan ng mga magniniyog na hindi lamang magparami ng ani, kundi makapagprodyus nang ligtas, responsable, at naaayon sa pamantayan.

 

Ulat ni: Hans Christopher C. Flores, RAgr

 

article-seo
bad