Bilang bahagi ng adbokasiya sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura, inihatid ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON ang huling pangkat ng pagsasanay sa makinaryang pansakahan para sa 25 mga magsasaka mula sa rehiyon noong Agosto 4–8, sa FarmEx Corporation, Brgy. Bangyas, Calauan, Laguna.
Sa ilalim ng programang “Building Stronger Rice Communities: Advancing Knowledge in Farm Machinery Operations and Maintenance,” sinanay ang mga kalahok sa tamang paggamit, operasyon, at maintenance ng mga makinaryang pansakahan gaya ng rice transplanter, vacuum seeder, tractor, harvester, at rice mill.
Katuwang sa aktibidad ang FarmEx Corporation, isang Learning Site for Agriculture (LSA) ng ATI CALABARZON, na nagsilbing lugar-sanayan at katuwang sa pagsasagawa ng pagsasanay. Bahagi rin ng programa ang pagbisita sa Rice Processing Center ng Coalition Alliance of Farmers in Sta. Cruz, Laguna (CAFSCL), kung saan nasaksihan ng mga kalahok ang demonstrasyon sa paggamit ng iba pang makinarya sa palay.
Nagsilbing mga tagapagsanay sina Engr. Marjorie Agustin, Engr. El Cid Garcia, at Engr. Robert Roy Pajarillo, mula sa DA-Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech), Science City of Muñoz, Nueva Ecija.
Pagbabahagi ni Venancio Alayon, kalahok mula sa San Francisco, Quezon, malaking tulong ang kaalaman na nakuha niya mula sa pagsasanay: “Umasa po kayo sa amin na sa pamamagitan po ng aming mga natutunan ay dadalhin at ibabahagi namin ito sa aming ibang mga kasamahan. Kami po ay magtutulong-tulong para may mapakinabangan ang aming mga asosasyon na makinarya.”
Nagbigay naman ng pangwakas na mensahe si Bb. Sherylou Alfaro, Assistant Center Director ng ATI CALABARZON, kung saan ipinahayag niya ang kahalagahan at pag-asang hatid ng pagsasanay sa pagsasamoderno tungo sa pagpapadali ng mga gawaing pansakahan.
Ulat ni: Jannah I. Sarvida (Technical Support Staff IV / PAS)