30 na Magsasaka sa Sariaya, Sinanay sa Integrated Nutrient & Pest Management sa Pagpapalay

Mon, 06/29/2026 - 17:08
BI Training

 

Upang mapataas ang kalidad at mapalaganap ang tamang pamamahala ng pataba at peste sa pagpapalay, sinanay ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON ang 30 magsasaka mula sa bayan ng Sariaya, Quezon ukol sa makabagong pamamaraan ng integrated nutrient and pest management (INPM).

Katuwang ang DA-CALABARZON Farm and Fisheries Clustering and Consolidation Program (F2C2), Regional Crop Protection Center (RCPC) IV-A, at DA-Philippine Rice Research Institute (PhilRice) Los Baños, ginanap ang “Blockbuster Rice Innovation: Advancing Knowledge on  Integrated Nutrient and Pest Management Technologies” sa F&D Agriculture and Livelihood Training Center OPC, Brgy. Mamala II, Sariaya, Quezon noong Hunyo 15-18, 2026. 

Aktuwal na nasaksihan ng mga kalahok ang paggamit ng iba’t ibang diagnostic tools ng INPM gaya ng Minus-One Element Technique (MOET) at Leaf Color Chart (LCC). Inilahad din ang importansya ng tamang pagkilala sa mga sakit at peste ng palay, maging sa mga kakampi na insekto sa sakahan.

“Sa pagsasanay na ito, marami po akong napagtanto. Isa na rito ang katotohanang hindi pala tayo dapat makulong sa mga nakagawian nating pamamaraan sa pagsasaka dahil mayroon nang mga makabagong teknolohiya at pamamaraan na makatutulong upang mapataas ang ani, mabawasan ang gastos, at mapalawak ang ating kaalaman sa tamang pamamahala ng sakit at peste ng palay,” pagbabahagi ni Edilberto Panaligan, magsasaka mula sa nasabing bayan.

Nagsilbing mga tagapagsanay sina Engr. Virginia Ompad, Engr. Nicanor Yadan, Bb. Alexandria Czarrina Carandang, Bb. Rhea Grace Malapascua, Bb. Uela Grace Merin, G. East Cosme, at G. Renz Lloyd Emprese mula sa DA-PhilRice Los Baños.

Pinaunlakan naman nina Dir. Rhemilyn Relado-Sevilla, Branch Director ng DA-PhilRice Los Baños; Bb. Amalita Amores, OIC-Municipal Agriculturist ng Sariaya; at Dr. Ruben de Gracia, Jr., Executive Assistant III at kinatawan ni Sariaya Mayor Marivic Gayeta ang pagtatapos ng pagsasanay at nagbigay ng pangwakas na mensahe sa mga kalahok.

 

 

Ulat ni: Jannah I. Sarvida, RAgr


 

article-seo
bad