Sa kabila ng hamon ng masamang panahon, matagumpay na naisakatuparan ang layunin ng pagsasanay na palalimin ang kaalaman at kasanayan ng 25 mga magsasaka mula sa Antipolo City at Tanay, Rizal hinggil sa wastong pamamahala ng pataba at peste sa pagpapalay.
Sa pangunguna ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON, katuwang ang DA-Regional Field Office (RFO) CALABARZON F2C2, DA-RCPC IV-A, at DA-PhilRice Los Baños, isinagawa ang “Building Stronger Rice Communities: Advancing Knowledge in Integrated Nutrient and Pest Management” sa APA Farms, Brgy. Coralao, Majayjay, Laguna mula Setyembre 22-26, 2025.
Aktwal na nasaksihan ng mga kalahok ang paggamit ng iba’t ibang diagnostic tools sa integrated nutrient and pest management gaya ng Minus-one Element Technique (MOET) App at Leaf Color Chart (LCC). Tinalakay rin ang kahalagahan ng tamang pagkilala sa mga sakit at peste ng palay, gayundin ang mga kapaki-pakinabang na insekto sa sakahan.
“Mahalaga palang matutunan kung sino ang kalaban at kaibigan na insekto upang mapalalim ang aming kaalaman kung paano sila pamamahalaan. Gayundin ang paggamit ng MOET at LCC para matukoy kung anong abono pa ang kailangan ng aming mga palay. Muli, maraming salamat po, ATI, sa walang-sawang pagbibigay ng oportunidad sa aming mga magsasaka na madagdagan pa ang kaalaman sa pagpapalay,” pagbabahagi ni Artemio Viray, magsasaka mula Tanay, Rizal.
Sa pagtatapos ng pagsasanay, naghatid ng pangwakas na mensahe ang Center Director ng DA-ATI CALABARZON, Dr. Rolando Maningas, sa pamamagitan ng video message. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng ganitong uri ng pagsasanay upang matulungan ang mga magsasaka sa rehiyon na mapabuti ang kanilang kabuhayan sa kabila ng mga hamon ng makabagong pagsasaka.
Ulat ni: Jannah I. Sarvida (PAS)