Pagsasanay sa Indoor Vegetable Cultivation Technology: Pagtatanim ng Sustenable at Masustansyang Pagkain sa Maliliit na Espasyo

Thu, 07/31/2025 - 20:12
Indoor Vegetable Cultivation Technology

 

Baon ang kaalaman sa makabagong paraan ng pagtatanim ng sustenable at masustansyang gulay sa maliliit na espasyo, 25 kalahok mula sa iba’t ibang lungsod at bayan ng CALABARZON ang nagtapos sa Training on Indoor Vegetable Cultivation Technology for Sustainable Urban Agriculture na isinagawa ng DA–Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON noong Hulyo 28-30, 2025.

Layunin ng aktibidad na palawakin ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok sa makabagong teknolohiya para sa urban farming. Sa pamamagitan nito,  inaasahan na matugunan ang seguridad sa pagkain na siyang  pangunahing layunin ng kasalukuyang administrasyon kahit sa maliit na espasyo ng mga lungsod at bayan. 

Bilang bahagi ng pagsasanay, nagsagawa ng exposure visit ang mga kalahok  sa greenhouse at hydroponics setup ng DA-Bureau of Plant Industry  Los Baños National Crop Research, Development and Production Support Center (BPI LBNCRDPS) at University of the Philippines Los Baños (UPLB).

Nagsilbing tagapagtalakay sina Engr. John Mendoza (DA-ATI CALABARZON), Bb. Melinda Mondoñedo (DA-BPI LBNCRDPS), at Engr. Melvin Vista (DA-BPI Central Office). 

“Ang pagsasanay na ito ay isang konkretong hakbang upang tugunan ang lumalaking hamon ng urbanisasyon. Sa pagsasanay na ito, pinipili n’yong mas maging bahagi ng solusyon, hindi lang sa seguridad sa pagkain, kundi pati na rin sa pangangalaga ng kalikasan at ng komunidad,”  ani Dr. Rolando Maningas, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, sa kanyang mensahe.

Nakatanggap naman ng anim na continuing professional development (CPD) credit units ang mga lisensyadong agrikultor na nagtapos sa pagsasanay.

Inaasahan ding ibabahagi at isasabuhay ng mga kalahok ang kanilang natutuhan sa kanilang mga lokalidad upang makatulong sa pagtataguyod ng mas produktibo, sustenable, at masustansyang komunidad sa rehiyon.

 

Ulat ni: Roland Gari Vargas (Media Production Specialist II / ISS)

 

 

article-seo
bad