Nagkaisa ang mga magsasaka sa Pililla, Rizal sa pagsusulong ng mas produktibong industriya ng pagmamaisan sa matagumpay na pagtatapos ng unang pangkat ng Training on Corn Production Technologies and Enterprise Development na isinagawa ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON.
Bilang bahagi ng praktikal na pagsasanay, tinukoy at sinuri ng mga kalahok ang mga peste at sakit sa kanilang mga maisan sa patnubay ng DA-Regional Crop Protection Center (RCPC) IV-A. Kasabay nito, sa pangunguna ng Provincial Agriculture Office ng Rizal, nagsagawa rin ng demonstrasyon sa wastong paghahalo at paglalagay ng pataba sa maisan, gayundin ang pagbabahagi ng iba’t ibang best practices, kabilang ang tamang lalim at pagitan ng pagtatanim ng mga buto ng mais.
"Nadagdagan ang aming kaalaman sa makabagong teknolohiya sa pagtatanim ng mais, tamang pamamahala ng pananim, pagkontrol ng peste at sakit, at wastong pag-aani upang mapataas ang ani at kalidad ng produksyon. Naging mahalaga rin ang mga aralin tungkol sa enterprise development kung saan natutunan namin ang tamang pagpaplano ng negosyo, pagba-budget at iba pa. Ang tamang kaalaman sa pagtatanim ang susi upang masiguro na lalago ang mga halaman, makakaiwas sa peste at makaani nang masagana,” ani Steward Dela Peña, kalahok na magsasaka at miyembro ng Pililla Farmers and Fisheries Association.
Sa pagtatapos ng programa, muling nagpahayag ng suporta ang lokal na pamahalaan at mga katuwang na ahensya sa patuloy na pagpapaunlad ng industriya ng pagmamaisan sa bayan. Nagbigay ng mensahe sina Pililla Municipal Mayor John V. Masinsin at Bb. Mary Ann A. Gajardo, Agricultural Program Coordination Officer ng Rizal, kung saan hinikayat nila ang mga kalahok na isabuhay at ibahagi ang kanilang mga natutuhan sa kani-kanilang mga komunidad.
Samantala, naghatid din ng mensahe online si Dr. Rolando V. Maningas, RAgr, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, na binigyang-diin ang kahalagahan ng patuloy na pagkatuto, pagtanggap sa mga makabagong teknolohiya, at sama-samang pagkilos tungo sa isang produktibo, matatag, at napapanatiling industriya ng pagmamaisan.
Baon ang mga bagong kaalaman at kasanayan, inaasahang magsisilbing daan ang pagsasanay sa pagpapalakas ng produksyon ng mais at sa pagkamit ng maunlad at masaganang kabuhayan para sa mga magsasaka ng Pililla.
Ulat ni: Archie C. Linsasagin