Pinangungunahan ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON ang Information Drive ngayong taon upang paigtingin ang pagpapalaganap ng impormasyon ukol sa iba’t ibang programa at serbisyo ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP).
Isinagawa ng DA-ATI CALABARZON ang unang pangkat ng Information Drive: Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP) Caravan: Impormasyon at Serbisyong Abot-Kamay sa Burdeos, Quezon noong Abril 28, 2026 sa Municipal Covered Court ng nasabing bayan. Dinaluhan ang aktibidad ng mahigit 100 magniniyog, kasama ang iba’t ibang katuwang na ahensya sa ilalim ng CFIDP.
Kabilang sa mga nakibahaging ahensya ang Philippine Coconut Authority (PCA) Region IV-A, National Dairy Authority (NDA) South Luzon, DA-Regional Field Office IV-A High Value Crops Development Program (HVCDP), Cooperative Development Authority (CDA) IV-A, Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), at Land Bank of the Philippines (LBP) na nagbahagi ng kani-kanilang mga programa, serbisyo, at suportang maaaring mapakinabangan ng mga magniniyog.
Layunin ng aktibidad na mailapit sa mga magniniyog ang mahahalagang impormasyon at serbisyong makatutulong sa pagpapalakas ng kanilang kabuhayan at pagpapabuti ng industriya ng niyugan.
Sa pamamagitan ng mga presentasyon at talakayan mula sa mga katuwang na ahensya, nabigyan ng mas malinaw na kaalaman ang mga kalahok hinggil sa mga programang teknikal, pinansyal, pangkabuhayan, at pang-organisasyon na maaaring maging daan tungo sa mas matatag at mas maunlad na pamumuhay ng mga magniniyog.
Sa pagtatapos ng programa, nagpahayag ng pasasalamat si Dr. Rolando V. Maningas, RAgr, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, sa lahat ng mga kalahok at katuwang na ahensya sa matagumpay na pagsasagawa ng aktibidad. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng aktibong pakikilahok ng mga magniniyog sa mga programang inihahandog ng pamahalaan bilang mahalagang hakbang tungo sa pagpapatatag at modernisasyon ng sektor ng pagniniyugan.
Kaugnay nito, ngayong Mayo 19 naman isasagawa ang ikalawang pangkat ng information drive sa bayan ng Rodriguez, Rizal.
Inaasahan namang maisasagawa rin ang tatlo pang kahalintulad na aktibidad sa mga susunod na buwan upang mas marami pang magniniyog sa rehiyon ang maabot ng impormasyon, oportunidad, at serbisyong hatid ng CFIDP.
Ulat ni: Ric Alfred M. Herrera (Technical Support Staff IV / ISS)