Upang magbalik-tanaw sa mga naisakatuparang inisyatiba at balangkasin ang mga susunod na hakbang para sa mas ikauunlad ng sektor ng pagniniyog sa rehiyon, nagtipon para sa isang pagpupulong ang mga ahensyang tagapagpatupad ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP), lider ng kooperatiba, magniniyog, at Learning Sites for Agriculture (LSA) cooperators.
Ginanap ang CFIDP Accomplishment Mapping and Planning Workshop mula Hulyo 29-30, sa Ouan’s Worth Farm and Family Resort Corporation, na isang Private Agriculture and Fisheries Extension Service Provider (PAF-ESP) sa Lucena City, Quezon.
Bahagi rin nito ang pagsasagawa ng isang stakeholders’ needs assessment upang direktang marinig ang mga isyu at hamon na kinahaharap ng mga magsasaka ng niyog. Mahalaga ang sesyon na ito upang matukoy ang mga angkop na solusyon at interbensyon na makatutulong sa kasalukuyang sitwasyon ng mga magsasaka.
Sa kanyang pangwakas na mensahe, binigyang-diin ni DA-ATI CALABARZON Center Director Dr. Rolando Maningas ang kritikal na papel ng patuloy na pagsasagawa ng mga pagsusuri ng mga interbensyon at inisyatiba. Ito ay upang patuloy na matukoy ang mga balakid sa implementasyon ng programa at maiayon ang mga hakbangin para sa mas epektibong pagpapatupad nito.
Pinangunahan ang pagpupulong ng Planning, Monitoring, and Evaluation Unit, kasama ang CFIDP Core Team ng DA-ATI CALABARZON, sa pakikipagtulungan ng Philippine Coconut Authority (PCA) Region IV-A.
Ulat ni: Hans Christopher Flores (Agriculturist I / ISS)