Praktikal na kaalaman at karanasan sa produksyon ng gulay at hydroponics farming ang naging baon ng 26 na kalahok mula sa Calamba Aytapreneur Organization (CAO) at mga komunidad ng Ayta sa pagtatapos ng Training on Vegetable Production and Hydroponics Farming.
Bilang bahagi ng pagsasanay, nagsagawa ng garden visit at benchmarking sa Post Elementary School, Brgy. Mayapa, Calamba City, Laguna, at sa Gulayan ng Komunidad sa Gawad Kalinga sa Brgy. Canlubang. Sa mga pagbisitang ito, nagkaroon ang mga kalahok ng pagkakataong makita at matutuhan ang mga praktikal na pamamaraan sa community-based at school-based gardening na maaari nilang maiangkop sa kanilang sariling komunidad.
“Sa training po na ating dinaluhan, marami akong natutuhan tungkol sa urban farming. Natutuhan ko po ang iba't ibang paraan ng urban gardening na maaaring gawin kahit sa maliit na espasyo, tulad ng vertical gardening, raised-bed gardening, at aquaponics. Napag-usapan din po ang mga mahahalagang salik sa pagtatanim, gaya ng lokasyon, lupang pagtataniman, suplay ng tubig, at pagpili ng angkop na pananim. Bukod dito, mas naunawaan ko rin po ang mga sustansyang nakukuha natin sa mga gulay, tulad ng protina, vitamin C at D, at calcium,” pahayag ni Mary Jane C. Manal, chieftain at pangulo ng CAO.
Sa pagtatapos ng programa, nagpahayag ng suporta sina Bb. May Lyn J. Reyes, RAgr, Senior Agriculturist ng Calamba City Agricultural Services Department (CASD), at Engr. Elcy C. Lacambra, Executive Director ng National University (NU) Laguna.
Samantala, binigyang-diin ni Bb. Sherylou C. Alfaro, RAgr, Assistant Center Director ng DA-ATI CALABARZON, ang potensyal ng CAO na maging isang matagumpay na samahan at makapagtaguyod ng mga negosyong pang-agrikultura sa pamamagitan ng patuloy na suporta at pagtutulungan ng DA-ATI CALABARZON, lokal na pamahalaan ng Calamba City, at National University Laguna.
Nagsilbing tugon ang pagsasanay sa proposal ng National University Laguna na mapalakas ang kapasidad ng komunidad ng mga Ayta sa lungsod pagdating sa urban farming.
Sa pamamagitan ng pagsasanay, higit na nabibigyan ng pagkakataon ang mga komunidad ng Ayta na mapalawak ang kanilang kaalaman, mapaunlad ang kakayahan sa pagtatanim, at matukoy ang mga oportunidad sa agrikultura na maaaring makatulong sa kanilang kabuhayan.
Patuloy na isinusulong ng DA-ATI CALABARZON at mga katuwang na institusyon ang inklusibo, praktikal, at community-based na serbisyong pang-ekstensyon upang mas maraming komunidad ang magkaroon ng akses sa kaalaman, teknolohiya, at mga oportunidad sa agrikultura.
Ulat ni: Archie Linsasagin