Upang mapataas ang kalidad at bigyan ng halaga ang tamang pamamahala ng pataba at peste sa palay, sinanay ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON ang 25 na magsasaka mula sa rehiyon ng Quezon ukol sa makabagong teknolohiya ng integrated nutrient and pest management sa pagpapalay.
Katuwang ang DA CALABARZON Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2), Regional Crop Protection Center (RCPC) IV-A, at DA-Philippine Rice Research Institute (PhilRice) Los Baños, ginanap ang “Building Stronger Rice Communities: Advancing Knowledge in Integrated Nutrient and Pest Management” sa Obdulia F. Sison Hall, University of the Philippines Los Baños, Laguna mula ika-11 ng Agosto hanggang ika-15 ng Agosto taong kasalukuyan.
Aktwal na nasaksihan ng mga kalahok ang paggamit ng iba’t ibang diagnostic tools ng integrated nutrient and pest management, gaya ng MOET at LCC. Inilahad din ang kahalagahan ng tamang pagkilala sa mga sakit at peste ng palay, maging sa mga kaibigang insekto sa sakahan.
“Dahil sa training na ito, ngayon ko po napatunayan na kailangan pa rin pala magpataba kung kinakailangan. Noon, kapag may insekto, spray agad. Pero ngayon, dapat pala ay tingnan muna ang mga insekto na kalaban at kakampi. Susubukan po namin ng aking mga kabaranggay at kababayan na i-apply ang aming mga natutunan,” pagbabahagi ni kay Juan Clemente III, magsasaka mula sa Tagkawayan, Quezon.
Nagsilbing tagapagsanay sina Dr. Michelle Quimbo, Bb. Maria Sofia Canilao, at G. Wilfredo Collado mula sa PhilRice Los Baños; at Bb. Sierralyn Sandoval mula sa DA CALABARZON RCPC.
Pinaunlakan naman ni Dr. Rolando V. Maningas, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, ang pagtatapos ng pagsasanay. Isinentro niya ang kaniyang pangwakas na mensahe sa importansya ng pagsasabuhay at pagbahahagi sa ibang magsasaka ng kanilang mga natutuhan tungo sa mas matatag na industriya ng pagpapalay.
Ulat ni: Jannah I. Sarvida (Technical Support Staff IV / PAS)