Pagpapalakas sa Kooperatiba ng mga Magniniyog, Suportado ng CFIDP at ATI CALABARZON

Tue, 10/14/2025 - 15:07
Kooperatiba CFIDP

 

 

Binigyang-diin sa Capability Building on Institutional and Organizational Management for CFIDP–Shared Processing Facilities (SPF) Beneficiaries ang malaking papel ng matatag na kooperatiba ng mga magniniyog sa pagpapaunlad ng kabuhayan at kanilang komunidad. 

Aktibo na dumalo ang 25 na kasapi ng Sama Sama sa Kaunlaran Multipurpose Cooperative ng Tagkawayan, Quezon ang pagsasanay na isinagawa noong Oktubre 8-10, 2025, sa nasabing bayan.

Sa ilalim ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP), layunin nitong mahasa ang kasanayang teknikal, kakayahan sa pamamahala, at pagnenegosyo ng mga kalahok upang higit na mapaunlad ang operasyon, maintenance, at pagpapaunlad ng coconut handling, processing, at enterprise development ng kanilang shared processing facilities. 

Naisakatuparan ito sa pamamagitan ng pagtutulungan ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON, Cooperative Development Authority (CDA) Region IV-A, at DA-Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech)--na kapwa mga ahensya tagapagpatupad ng CFIDP.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni DA-ATI CALABARZON Center Director Dr. Rolando Maningas na ang tunay na pag-unlad ng industriya ng niyog ay nakasalalay sa pagkakaisa at kolektibong pagkilos ng mga miyembro nito. 

“Kung nais ninyong makarating nang mabilis, maglakbay kayo nang mag-isa; ngunit kung nais ninyong makarating nang malayo, maglakbay kayo na magkakasama,” ani Dr. Maningas, habang hinikayat ang mga kalahok na ipagpatuloy ang kooperasyon at pagpapalakas ng kanilang samahan.

Ibinahagi naman ni Bb. Maria Joahna Segarra, Agriculturist II ng Municipal Agriculture Office ng Tagkawayan, na sa pamamagitan ng CFIDP, mas nagiging organisado at matatag ang mga samahan ng magniniyog sa bansa. Aniya, ang pagsasanay ay isang mahalagang hakbang upang mapalago hindi lamang ang kanilang operasyon kundi pati ang kabuhayan ng bawat kasapi.

Sa pagtatapos ng programa, dala ng mga kalahok ang dagdag na kaalaman, tiwala, at inspirasyon upang higit pang paunlarin ang kanilang kooperatiba—isang patunay na ang pagpapalakas sa mga samahan ng mga magniniyog ay susi sa pagsulong ng matatag na kabuhayan.

 

Ulat ni: Archie C. Linsasagin (Information Officer II / ISS)

 

article-seo
bad