ATI CALABARZON, Pinalalakas ang Kapasidad ng mga Bagong LFT tungo sa Mas Produktibong Pagsasaka ng Palay

Tue, 11/04/2025 - 10:17
LFT

 

 

Sa layuning ihanda ang mga bagong local farmer technician (LFT) bilang katuwang ng mga local government unit (LGU) sa pagpapalaganap ng makabagong teknolohiya at kaalamang pang-agrikultura sa kani-kanilang mga lugar, matagumpay na naisakatuparan ng DA-ATI CALABARZON ang 10-day Specialized Training Course for New Local Farmer Technicians na ginanap noong Oktubre 13-17 at 20-24, 2025, sa Obdulia F. Sison Hall, University of the Philippines Los Baños (UPLB), Laguna.

 

Ilan sa mga gawaing kanilang naisakatuparan ay ang agro-ecosystem analysis (AESA), double mulching technique, microteaching, seed analysis, at iba pang mga aktibidad na nagpatibay sa kanilang kakayahan bilang mga bagong LFT.

 

Ang mga paksa sa buong pagsasanay ay tinalakay sa tulong ng DA-Regional Field Office CALABARZON at ng mga katuwang na ahensya tulad ng DA-PhilRice Los Baños, DA-RCPC IV-A, BPI-National Seed Quality Control Services (NSQCS), LGU Tanay, at mga tagapagsanay mula sa Learning Sites for Agriculture (LSA) ng DA-ATI CALABARZON, na nagbahagi ng kanilang kaalaman at karanasan sa larangan ng pagpapalago ng produksyon ng palay, tamang paggamit ng pataba, pest management, at iba pang teknolohiyang pang-agrikultura.

 

“Sa aking mga kapwa LFT, tandaan po natin na ang pagkatuto ay isang tuloy-tuloy na proseso. Kapag nagsimula tayong magpalawak ng kaalaman, hindi nangangahulugang tapos na tayong matuto—bagkus, ito pa lamang ang simula. Ako po ay nanatili dito ng 10 araw, at para sa akin, ang mga araw na iyon ay katumbas ng isang taong karanasan,” ani Gil Virtucio, bagong LFT mula sa Sariaya, Quezon. 

 

Dagdag pa niya, “Bilang mga bagong LFT na katuwang ng ating mga LGU, alam nating hindi dito nagtatapos ang ating laban—sa halip, dito pa lamang ito nagsisimula. Isa itong malaking responsibilidad, ngunit isa rin itong pagkakataon upang makatulong sa ating mga kapwa magsasaka.”

 

Sa pagtatapos ng programa, dumalo si G. Erickson Sagun bilang kinatawan ng DA-RFO CALABARZON at ibinahagi ang mga magiging tungkulin ng mga bagong LFT ng rehiyon. Dumalo rin si Bb. Sherylou Alfaro, Assistant Center Director ng DA-ATI CALABARZON, na nagbahagi ng kanyang pangwakas na mensahe ng inspirasyon at pagbati sa lahat ng kalahok.

 

Ulat ni: Carmin Cayetano (Technical Support Staff IV / PAS)

 

 

article-seo
bad