
Mula sa isang pamilya ng mga magsasaka si Francis Cuento, 22, isang kabataang magsasaka mula sa Nagcarlan, Laguna. Bata pa lamang, naturingan na siyang kabahagi ng isang tradisyunal na pamumuhay ng magsasaka.
“Ako ay pinalaki nila at natutong magbungkal ng lupa kung saan sa paglaki ko ito ay aking nadala,” ani Francis.
Ang mga leksyon at pagpapahalaga na natutunan ni Francis mula sa kanyang ama ang nagbigay sa kanya ng lakas at determinasyong ipagpatuloy ang buhay sa agrikultura.
“Ipinakita niya sa akin at ipinamahala niya sa akin ang pagsasaka. Ipinakita niya sa akin kung gaano ang hirap sa pagsasaka na hindi basta-basta. Kung ang ibang kabataan ay tinalikuran ang paghihirap, ako ay nag-take ng risk dahil gusto kong maranasan ‘yung nararanasan ng mga magulang ko,” aniya.
Kaya’t sa murang edad, si Francis ay may malalaking tungkuling taglay, kabilang ang pagiging miyembro ng 4H Club, lider ng samahan ng mga magsasaka, trainer-facilitator, at youth intern.
Sa bawat hakbang ng kanyang paglago sa agrikultura, hindi lamang siya nagiging modelo ng kabataan, kundi nagsisilbing katuwang din sa kanyang mga nakatatandang magsasaka.
Tulad ng palay, si Francis ay isang luntiang butil ng pag-asa, na nagdudulot ng bagong sigla at ngiti sa mga kabataan at sa mga magsasaka sa kanyang komunidad.
Pag-agapay sa Makabagong Pamamahala sa Sakahan
Alam ni Francis ang hirap ng mga gawain sa bukirin, ngunit hindi ito naging sagabal upang magpatuloy siya sa landas ng agrikultura.
“Sabi nga ng aking tatay, ‘Ang pag-aralan mo ‘yung mahirap kasi ‘yung mahirap kapag iyan natutunan mo, maipagmamalaki mo.’ ‘Yun ‘yung pinaka-tumatak sa akin kaya ko mas minahal ang farming,” kuwento ni Francis.
Nang matapos niya ang Senior High School, itinuloy ni Francis ang pagpapalawak ng kanyang kaalaman sa pamamagitan ng mga pagsasanay sa agrikultura. Nalaman niya na malaki na ang pagbabago sa mga pamamaraan ng pagsasaka kumpara sa mga karanasan ng kanyang mga magulang.
“Napaka-swerte natin kasi hindi natin naranasan ‘yung mga naranasan ng ating mga magulang. Nu’ng una, ang pinaghahampasan ng palay ay bato. Ngayon, ‘pag gumamit tayo ng machines, isang daan lang ng rice combine harvester, nakasako na ‘yan kaya napakadali na,” ani Francis na masaya sa mga makabagong teknolohiya na nagpapabilis sa kanilang mga gawain.
Pagyakap sa Makabagong Teknolohiya
Dahil sa mga makabagong tools tulad ng Leaf Color Chart (LCC) app, Rice Crop Manager (RCM), at Rice Doctor, mas naging magaan at mas madali para kay Francis ang pagsasaka.
“Sabi ko dati-rati, ‘yung tatay ko kapag nag-aaral tungkol sa mga sakit, binubuklat pa ang encyclopedia. Ngayon, kaunting pindot mo lang sa cellphone mo makikita mo na kung anong sakit, kung anong damo na ang iyong makikita, at kung anong kulang na elemento sa lupa kung saan mas nakita ko na ganito pala kabilis,” sabi ni Francis.
Nakita niya rito na mas napadali ang pagtatanim gamit ang mga makabagong makinarya at digital tools na malaki ang naitutulong sa pagtaas ng ani, gayundin ang idinudulot nitong saya para sa kanya.
“Hinihihikayat ko ‘yung mga kabataan na sa panahon ngayon ‘yung pag-farming ay hindi na ganu’n kahirap, especially sa paggamit ng machines para lamang tayong naglalaro” pahayag niya.
Organikong Pagsasaka
Upang mas mapalago ang kanyang kaalaman at kasanayan sa agrikultura, kabilang si Francis sa unang batch ng Youth Internship Program on Organic Agriculture (YIPOA) ng Agricultural Training Institute (ATI) noong taong 2024. “Napakaganda ng benepisyo na ibinibigay ng gobyerno upang matulungan tayo at ma-enhance ang aming kasanayan,” ani Francis.
Sa loob ng 21 buwan, sumailalim siya sa aktwal na pagtatanim sa pamamagitan ng organikong pamamaraan sa Sweet Nature Farm sa patnubay ni Bb. Suzzette Sales, isang Learning Site for Agriculture (LSA) ng ng DA-ATI CALABARZON.
“Maraming salamat po sa DA-ATI CALABARZON sa pagkakataong ibinigay ninyo sa amin at sa pagtuturo na nagbigay-daan upang maging praktisan ng organic farming. Isang malaking pasasalamat din sa aming mga mentor, Bb. Suzette S. Sales at Ma'am Soledad Leal, sa kanilang walang sawang paggabay sa aming mga proyekto,” wika ni Francis.
"Ngayon, aanihin ko ang mga kaalaman at kasanayan na inyong itinanim sa akin. Lubos kong ipinagmamalaki na maging bahagi ng Youth Scholarship Program for Organic Farming,” aniya.
Ang kaalaman at kasanayan na nakuha ni Francis mula sa internship program ay nagbigay-daan sa kanya upang maglunsad ng kanyang proyekto, ang B-Rice Healthy, na nakatutok sa organikong pagsasaka ng palay. Kamakailan lamang, nakapag-ani siya ng 5.6 metrikong tonelada mula sa 1.4 ektaryang lupain sa Brgy. Banilad, na isang malaking tagumpay para sa kanya at sa kanyang komunidad.
Para sa wet cropping season ng 2024, plano ni Francis na magtanim ng NSIC Rc 216 at maglaan ng kalahating ektarya para sa eksklusibong produksyon ng itim na bigas. Sa bawat hakbang na ginagawa ni Francis, ipinapakita niya ang potensyal ng organikong pagsasaka at ang mahalagang papel na ginagampanan ng kabataan sa pag-unlad ng agrikultura.
Kabataang Magsasakang Lider
Sa kasalukuyan, aktibo si Francis bilang tagapamahala ng Masaganang Bukid Agricultural Learning Center, isang Learning Site for Agriculture (LSA) ng DA-ATI CALABARZON. Kasama ang kanyang magulang, siya ang namamahala sa kanilang sakahan na isa ring farm school ng TESDA. Nagsisilbi rin siyang trainer-facilitator sa mga pagsasanay sa kanilang komunidad.
Bukod sa kanyang responsibilidad sa sakahan, aktibo rin siya bilang miyembro ng 4H Club at isang lider sa mga samahan ng magsasaka sa kanilang bayan. Bilang isang kabataang magsasaka, nais ni Francis na ipakita sa kanyang mga kapwa kabataan ang kagandahan at oportunidad sa agrikultura.
“Sana maging kabalikat namin kayo o maging kasamahan namin kayo upang itaguyod ang agrikultura. Ipagmalaki natin na kahit tayo ay kabataan, tayo ang may kakayahang magpaunlad ng ating agrikultura. Hindi lamang ito isang larangan na may oportunidad kumita, kundi isang larangan na nagbibigay ng layunin sa buhay,” wika ni Francis.
Tunguhing Tagumpay
Bagama’t malayo pa ang tatahakin ni Francis, para sa kanya, ang pinakamahalaga ay ang saya at katuparan na natamo niya sa pagsasaka.
“Bilang isang youth farmer, napakasaya ko sa pagiging bahagi ng agrikultura. Ang mga oportunidad at kasiyahan na dulot nito ay hindi matutumbasan ng anumang bagay,” pagtatapos ni Francis.
Story by: