25 Magsasaka sa Cavite at Batangas, Sinanay sa Makabagong Pamamahala ng Pataba at Patubig sa Palay

Mon, 09/22/2025 - 15:48
makabagong pamamahala ng palay

 

Bilang bahagi ng pagpapabuti ng produksyon ng palay at pagpapalaganap ng tamang paggamit ng pataba at pamamahala ng patubig, nagsagawa ang Department of Agriculture–Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON ng pagsasanay para sa 25 mga magsasaka mula sa Cavite at Batangas hinggil sa makabagong teknolohiya ng Integrated Nutrient and Water Management (INWM).

 

Katuwang ang DA-Regional Field Office (RFO) CALABARZON F2C2, DA-Bureau of Soils and Water Management (BSWM), at DA-PhilRice Los Baños, isinagawa ang programang may temang “Building Stronger Rice Communities: Advancing Knowledge in Integrated Nutrient and Water Management” sa DA-ATI CALABARZON Training Hall, Trece Martires City, Cavite mula Setyembre 15-19, 2025.

 

Sa pagsasanay, aktuwal na ginamit ng mga kalahok ang iba’t ibang diagnostic tools para sa nutrient at water management gaya ng MOET App, Leaf Color Chart (LCC), at Alternate Wetting and Drying (AWD). 

 

Tinalakay rin ang kahalagahan ng wastong pagkilala sa mga umuusbong na peste ng palay gaya ng Rice Ragged Stunt Virus (RRSV) at Rice Grassy Stunt Virus (RGSV).

 

Pinaunlakan ni Asst. Center Dir. Sherylou Alfaro ng DA-ATI CALABARZON ang pagtatapos ng programa at nagbigay ng makabuluhang mensahe bilang pagsasara sa matagumpay na pagsasanay.

 

Ulat ni: Janine L. Cailo (Information Officer  III / ISS)

 

 

article-seo
bad