
Para kay Astralet "Astra" Marbella, liban sa kanilang apat na anak, kung mayroon mang isa pang bagay na mahigpit na nag-uugnay sa kanya at sa kanyang yumaong asawa—ito ay ang Mikastra Integrated Farm at ang kanilang pagmamahal sa pagsasaka.
Pagpunla sa binhi ng tagumpay
Taong 2019 nang pagsumikapang simulan ni Michael Marbella, ang yumaong asawa ni Astra, ang Mikastra Integrated Farm na matatagpuan sa Brgy. San Nicolas, Macalelon, Quezon.
Sa loob ng sampung taon, nagsikap bilang overseas Filipino worker (OFW) sa Qatar si Michael. Nang napagpasyahang bumalik at manatili sa Pilipinas, unti-unti niyang sinimulang linangin ang lupaing kinalakihan niya. Noong una, naisipan ni Michael magtayo ng isang distilyera ng lambanog dahil hitik sa puno ng niyog ang kanilang sakahan.
Upang higit pang mapalalim ang kanyang kaalaman sa pagsasaka, lumahok si Michael sa pagsasanay sa isang farm school sa Sariaya, Quezon. Nakita ni Michael kung paano nakatutulong ang farm school sa mga magsasaka. Buhat dito, nahanap niya ang inspirasyon upang magtayo ng sariling farm school sa Macalelon, upang matulungan din ang mga magsasaka sa kanilang lugar.
“'Yung asawa ko kasi kapag may gusto siyang gawin, doon niya isine-set 'yung mind niya. Mula doon, naisip niyang mag-train din ng iba sa Macalelon at gusto niyang maraming matulungan na mga magsasaka,” pag-alaala ni Astra sa kanyang asawa.
Bunsod ng kagustuhang magkaroon ng isang farm school, buong dedikasyong nagsaayos at nagsumite si Michael ng mga kinakailangang dokumento. Lumahok din siya sa mga pagsasanay gaya ng Farm Business School (FBS) ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON. Bagama't hindi pa ganoon kasanay sa pagsasaka, ibinuhos ni Astra ang suporta sa kanyang asawa upang tulungan itong makamit ang ninanais.
Hindi rin nagtagal, nakatanggap ng sertipikasyon ang Mikastra Integrated Farm bilang isang ganap na Learning Site for Agriculture (LSA) ng DA-ATI CALABARZON noong ika-1 ng Hulyo 2022 sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF). Isa ang Mikastra Integrated Farm sa mga unang farm sa Bondoc Peninsula o Ikatlong Distrito ng Quezon na kinikilala bilang isang LSA.
Kalaunan, naging susi ang pagiging LSA ng nasabing farm sa akreditasyon nila bilang isang farm school ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) noong ika-18 ng Agosto 2022
Mula sa maliliit na tagumpay na ito, nagsimulang maging mabunga ang binhi na sinimulang itanim ni Michael.
Pagpapayaman sa binhi ng tagumpay
Hindi man nakagisnan ang pagsasaka, kalaunan ay naging interesado rin sa pagsasaka si Astra dahil na rin sa dedikasyon ng kanyang asawa. Nakita rin ni Astra ang mga benepisyo ng pagsasaka sa kanilang pamilya at komunidad — na naging dahilan upang tuluyan niya itong yakapin.
"Simula po noong napadpad ako sa farm at naturuan ng aking mister, very fulfilling po pala. Hindi lang siya negosyo eh, napapasaya mo rin yung ibang tao dahil marami po kayong natutulungan," ani Astra.
Gayunman, hindi naging madali ang lahat para kay Astra, lalo na nang dumating ang trahedya sa kanilang pamilya nang yumao ang kanyang asawa dahil sa isang aksidente. Sa kabila nito, sa halip na mawalan ng pag-asa, nakahanap si Astra ng lakas sa kanyang mga anak at sa mga sinimulan ni Michael sa Mikastra Integrated Farm.
Nagsimula niyang yakapin ang pagiging tagapamahala ng kanilang farm upang ipagpatuloy ang itinuturing niyang pamanang yaman ng kanyang asawa at tuparin ang mga hangarin nito noong siya'y nabubuhay pa.
"Kaya rin po siguro yung asawa ko ay medyo binilisan niya ang pagtatrabaho or para maitayo niya 'yung farm, dahil 'yun po ang mission niya eh. Ako po ‘yung naiwan at itinutuloy ko po ‘yung mga nasimulan niya sa farm,” pahayag ni Astra.
Aminado rin si Astra na marami siyang dapat pang matutuhan sa pamamahala ng isang farm school at sa paghahatid ng serbisyo sa mga magsasaka ng Macalelon. Dahil dito, noong 2023, lumahok siya at kalauna'y naging isang tagapagsanay ng RCEF Digital Agriculture Course at Production of High-Quality Inbred Rice Seeds and Farm Mechanization sa pamamagitan ng DA-ATI CALABARZON.
Bitbit ang kumpiyansa sa kaalaman at kasanayan na nakuha mula sa mga pagsasanay at aktwal na demonstrasyon, nagsisilbi na siya ngayong tagapagsanay ng RCEF sa kanilang farm school, partikular sa mga nabanggit na paksa.
"Proud po ako sa pagiging RCEF trainer dahil marami pong natutulungan, napapadali ang kanilang trabaho, at napapalit ang gastos," aniya.
Maliban dito, nag-aalok na rin ang Mikastra Integrated Farm ng National Certifications (NC) sa ilalim ng TESDA. Kabilang dito ang NC II para sa Organic Agriculture, Agricultural Crops Production, at NC II at III sa Agro-Entrepreneurship.
“‘Yung mga staff and trainer po namin ay kinukuha ko rin po mula sa mga nag-aaral sa amin na may potensyal po na makapagturo. Sa ganoong paraan, nakakapagbigay rin po tayo ng trabaho," pagbabahagi pa ni Astra.
Sa kabilang dako, pinanatili pa rin ng farm ang produksyon ng coconut sap kung saan gawa ang kanilang ipinagmamalaking lambanog at coconut vinegar. Sa ganitong paraan, may dagdag-kita ang Mikastra Integrated Farm mula sa pagpoproseso.
Pag-ani sa bunga ng pagsisikap —tagumpay
Bunsod ng dedikasyon at pagsisikap na sinimulan ni Michael at ipinagpatuloy ni Astra, umaani na ng tagumpay ngayon ang Mikastra Integrated Farm. Ilan sa mga patunay nito ay ang pagkamit nila ng pagkakilala bilang isa sa mga katuwang ng lokal na pamahalaan ng Macalelon sa pagtataguyod ng sektor ng agrikultura sa bayan. Kinilala rin ang Mikastra Integrated Farm ng TESDA bilang isa sa mga aktibong farm school sa Bondoc Peninsula.
Para kay Astra, sa gitna ng mga pagkilalang ito, mas ipinagmamalaki niya ang positibong pagtanggap at pagyakap ng mga kapwa magsasaka sa makabagong teknolohiya at makinarya sa pagsasaka na kanilang ibinabahagi.
"Nu’ng nalaman po ng farmers dito na kami po ay nagte-train ng production of quality inbred rice, seed certification, and farm mechanization ay natuwa po sila. Nalaman nila na mas maganda po palang gumamit ng mga makinarya at makabagong teknolohiya para mas lalo pong mapabilis ang kanilang pagsasaka at mas maparami po ang kanilang kita,” masayang ibinahagi ni Astra.
Sa ngayon, nagawa ng Mikastra Integrated Farm na makapagsanay ng 200 mga magsasaka at indibidwal na nakahiligan ang pagtatanim -bagay na ikinagagalak ni Astra.
Hanggang sa susunod na pag-ani ng tagumpay
Aminado si Astra na malayo pa ang daang tatahakin nila tungo sa rurok ng tagumpay. Pero gaya ng ipinangako niya sa kanyang asawa, nais niyang makapagdagdag pa ng pasilidad sa kanilang farm at maging Private Agriculture and Fisheries - Extension Service Provider (PAF-ESP) ng DA-ATI CALABARZON, upang mas marami pang matugunang pangangailangang pangkasanayan ang kanilang farm, hindi lamang sa Macalelon, kundi sa buong rehiyon.
"Gusto ko pong bigyan ng katuparan ‘yung mga pangarap niya noong siya ay nabubuhay pa," ani Astra.
Nilalayon din ng Mikastra Integrated Farm na palaguin ang sinimulang kabuhayan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng hydroponics at small ruminant production. Bukod pa ay ang pagdaragdag ng mga kursong pang-agrikultura na kanilang itinuturo.
"Naaalala ko po ‘yung sinabi ng asawa ko na kapag meron kang misyon at plano, alam mo ang tatahakin mo. Dire-diretso lang, pasasaan pa at magtatagumpay rin tayo. At isama po natin na makatulong tayo sa kapwa," mensahe naman ni Astra sa mga nagnanais na simulan at ipagpatuloy ang isang kabuhayang pang-agrikultura.
Malayo man sa isa't isa sina Astra at Michael ngayon, pinagdurugtong naman sila ng pag-ibig—hindi lamang para sa kanilang pamilya kundi para na rin sa pagsasaka.
Story by: