Sa kauna-unahang pagkakataon, idinaraos ngayong Oktubre ang National Agriculture and Fisheries Extension Services (AFES) Month matapos itong iproklama ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamamagitan ng Proclamation No. 753, s. 2024.
May temang “One Goal, One Extension: Advancing Agriculture and Fisheries for a Food-Secure Nation,” binibigyang-diin ng pagdiriwang ang mahalagang papel ng extension services sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura at pangisdaan. Kabilang dito ang pagbabahagi ng teknolohiya, paglilipat ng kaalaman, at pagbibigay ng direktang suporta sa ating mga magsasaka at mangingisda.
Itinalaga ang Department of Agriculture (DA), sa pamamagitan ng Agricultural Training Institute (ATI), upang mangasiwa sa taunang pagdiriwang, gayundin sa koordinasyon ng mga programa at aktibidad sa buong bansa.
Batay sa Agriculture and Fisheries Modernization Act of 1997 (RA 8435), kinikilala ang extension services bilang mahalagang tagapagpaunlad ng sektor. Saklaw nito ang pagsasanay, pagbibigay-impormasyon, at iba pang serbisyong nakatuon sa pagpapahusay ng teknikal, pangnegosyo, at panlipunang kakayahan ng mga magsasaka at mangingisda.
Layunin nitong itaas ang produktibidad, kakahayan, at pagiging sustenable ng agrikultura habang tinutulungan din ang mga larangan ng post-harvest processing, marketing, entrepreneurship, pamamahala, at pagpapatatag ng mga institusyon.
Sa CALABARZON, nakahanay ang iba’t ibang aktibidad ng ATI Regional Training Center bilang bahagi ng pagdiriwang:
- Oktubre 3, 2025 – ATI EnGAge 2.0: Regional Agriculture and Fisheries Extension Symposium 2025
- Oktubre 22-23, 2025 – Artificial Insemination (AI) Congress
- Oktubre 24, 2025 – Kabataang OA
- Oktubre 28, 2025 – ATI@Home: Agri Extension in Motion (may 1.50 CPD points para sa mga rehistradong agriculturists)
Sa pamamagitan ng mga aktibidad na ito, layunin ng buwanang selebrasyon na palawakin ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng extension services mula sa pampubliko at pribadong sektor, makalikom ng suporta mula sa mga stakeholder, at parangalan ang kontribusyon ng agricultural extension workers bilang katuwang sa pagsulong tungo sa isang bansang may sapat na pagkain at matatag na kinabukasan.
Ulat ni: Janine L. Cailo (IO III / ISS)