Halamanan sa Pamayanan ng mga Benepisyaryo ng NHA, Isinusulong Bilang Tugon sa Lokal na Seguridad sa Pagkain

Thu, 09/11/2025 - 16:28
NHA

 

Isinagawa ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON, sa pakikipagtulungan sa National Housing Authority (NHA) at Municipal Agriculture Office ng Morong, Rizal, ang ikalawang pangkat ng Sow, Grow, and Sustain: Urban Agriculture Technologies for Enhancing Food Access and Livelihood Opportunities noong Setyembre 4–5, 2025 sa Sitio Talaga, Brgy. Maybancal sa nasabing bayan. 

 

Dinaluhan ito ng 27 mga kasapi ng St. Martha’s Housing Association na inirekomenda ng NHA bilang benepisyaryo ng nasabing pagsasanay.

 

Ang aktibidad ay isinagawa bilang suporta sa Enhanced Partnerships Against Hunger and Poverty (EPAHP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kung saan kabahagi ang DA-ATI CALABARZON at NHA sa paglabanan sa gutom at kahirapan at tiyakin ang lokal na seguridad sa pagkain.

 

Bilang bahagi ng pagsasanay, ipinagkaloob sa nasabing grupo ang starter kits na binubuo ng 600 piraso ng fruiting bags at 200 sets ng hydroponics nutrient solution.

 

Nagpaabot ng pasasalamat si Bb. Marilou Junayon, pangulo ng samahan, sa patuloy na suporta at pagtutok na ibinibigay sa kanilang asosasyon. Aniya, nagbibigay ng inspirasyon at kumpiyansa ang pagsasanay sa kanilang grupo upang mas paigtingin ang urban agriculture projects sa kanilang komunidad.

 

Nagsilbi namang mga tagapagtalakay sina Bb. Jesusa Salazar mula sa Bliss Farm para sa mushroom production technology at Bb. Maria Pilar Pablo mula sa Office of the Provincial Agriculturist ng Rizal para naman sa hydroponics technology, kung saan tinalakay nila ang tamang pamamaraan ng produksyon, pag-aalaga, at pag-aani.

 

Sa kanyang mensahe, ipinaabot ni DA-ATI CALABARZON Center Director Dr. Rolando  Maningas ang kanyang hangarin na mapakinabangan at mapalago ng samahan ang mga starter kits na ibinigay sa kanila upang makatulong sa kanilang pagkain at kabuhayan.



 

Ulat ni: Soledad A. Leal (Agriculturist II / PAS)

 

 

article-seo
bad