Wastong Nutrisyon at Pangangalaga sa Unang 1,000 Araw ng mga Bata, Handog ng DA-ATI CALABARZON

Thu, 05/14/2026 - 17:58
1000 days

 

 

Pinalawak ang kaalaman ng mga buntis at Barangay Nutrition Scholars (BNS) hinggil sa wastong nutrisyon at pangangalaga sa unang 1,000 araw ng buhay ng mga bata sa isinagawang seminar na “Nourishing the First 1000 Days: Seminar on Maternal Nutrition and Early Child Development” noong Mayo 12, 2026, sa Tanauan City Demo Farm, Batangas.

Pinangunahan ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON, katuwang ang National Nutrition Council (NNC) CALABARZON, City Agriculture Office at City Health Office ng Tanauan City ang aktibidad na nilahukan ng 30 buntis at BNS mula sa iba’t ibang barangay.

Binigyang-diin sa seminar na mahalaga ang wastong nutrisyon mula sa pagbubuntis hanggang sa unang dalawang taon ng bata upang maiwasan ang malnutrisyon at masuportahan ang tamang paglaki at pag-unlad ng mga bata.

Sa kanyang pambungad na mensahe, sinabi ni Dr. Rolando V. Maningas, RAgr, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, na mahalaga ang pagtutulungan ng sektor ng agrikultura, kalusugan, at komunidad upang matiyak na ang bawat bata ay lumalaki nang malusog mula pa lamang sa sinapupunan. Ipinahayag din niya ang pag-asa na bagama’t isang araw lamang idinaos ang seminar, magdudulot naman ito ng pangmatagalang positibong epekto sa kalusugan at kinabukasan ng mga kalahok at kanilang mga anak.

“Nagpapasalamat po kami dahil marami kaming natutunan tungkol sa wastong pag-aalaga sa aming sarili at sa aming mga baby, lalo na po para sa akin bilang isang first-time mom,” ani Margelyn Esclanda, isa sa mga kalahok, kaugnay ng mga kaalamang ibinahagi nina NO III Theresa A. Rivas, RND, MPH, RNPC Lourdes Bulante-Orongan, RND, MDM ng NNC CALABARZON, at Bb. Janine L. Cailo, RAgr ng DA-ATI CALABARZON hinggil sa maternal nutrition, food security, at wastong pangangalaga sa ina at sanggol.

Inilunsad din ang “Gulayan para sa 1000 Days,” isang inisyatibang pinangunahan ni G. Sherwin Rimas, City Agriculturist ng Tanauan City, na naghihikayat sa mga pamilya at komunidad na magtanim ng masustansyang gulay upang magkaroon ng sapat, sariwa, at ligtas na pagkain para sa mga ina at bata. Layunin din ng proyekto na magbigay ng sustenable at pangmatagalang suporta sa nutrisyon ng mga pamilya sa komunidad.

Sa pamamagitan ng mga ganitong programa, patuloy na pinagtitibay ang ugnayan ng agrikultura at nutrisyon upang makabuo ng mas malusog at mas matatag na susunod na henerasyon.

 

Ulat ni: Cristine Jan F. Beler, RAgr (Technical Support Staff II / ISS)


 

article-seo
bad