Organikong Agrikultura sa Komunidad, Patuloy na Isinusulong ng mga Pagsasanay ng DA-ATI CALABARZON

Sat, 03/14/2026 - 06:25
OA sa Komunidad

 

Upang higit pang mapalakas ang pagpapatupad ng organikong agrikultura sa mga komunidad, dalawampung (20) Agricultural Extension Workers (AEWs)  sa CALABARZON ang sumailalim sa “OA LEVEL UP: Capability Building for Local Government on Organic Agriculture" mula Marso 2-6, 2026, sa DA-ATI CALABARZON, Trece Martires City, Cavite.

Sa pangunguna ng mga tagapagsanay mula sa National Organic Agriculture Program (NOAP), DA-ATI CALABARZON, at DA-Regional Field Office IV-A, napalawak ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok sa pagsusulong ng organikong pagsasaka sa kanilang mga nasasakupan.

Partikular na tinutukan sa pagsasanay ang “Kababaihan at Kabataan para sa Kalusugan, Kalikasan, at Kabuhayan (5Ks)”— isang Communal Organic Gardening and Educational Program para sa kababaihan at kabataan. 

Layunin ng programa na suportahan at palakasin ang mga samahan at kakayahan ng mga kababaihan at kabataan, himukin ang kanilang aktibong partisipasyon sa organikong pagsasaka sa komunidad, at mapabuti pa ang kanilang kontribusyon sa pamayanan.

Binigyang-diin din na mahalagang hakbang ang programa upang matiyak ang seguridad sa pagkain at maisulong ang sustenableng produksyon sa mga komunidad.

Bilang bahagi ng programa, nagsagawa rin ang mga kalahok ng benchmarking sa Yakap at Halik Multipurpose Cooperative, kung saan kanilang nasaksihan ang mga praktikal na pamamaraan sa pamamahala at pagpapatakbo ng isang matagumpay na communal garden.

"Sobrang tumatak po sa akin ang hands-on activity sa paggawa ng viability plan para sa communal garden at ang paggamit ng mga financial templates. Medyo mahirap po ang proseso, pero napagtanto po namin na kaya itong gawin basta may pagtutulungan at kooperasyon," pagbabahagi ni Bb. Rhona May Deveza, kalahok mula sa Laguna Provincial Agriculture Office.

Sa pagtatapos ng programa, nagbigay ng mensahe si Assistant Center Director Sherylou Alfaro, habang ipinaabot naman ni Center Director Dr. Rolando Maningas ang kahalagahan ng patuloy na pagsusulong ng organikong agrikultura sa rehiyon.

 

Ulat ni: Archie C. Linsasagin (Information Officer II / ISS)

 

article-seo
bad