Pagnenegosyo at Paggawa ng Organikong Pataba para sa Niyugan, Ibinahagi sa 25 Magniniyog sa Bondoc Peninsula

Fri, 09/26/2025 - 14:33
Organikong Pataba

 

 

Isa sa mga hangarin ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP) ang sanayin ang mga magniniyog na bumuo ng mga bagong produkto na maaari nilang ibenta bilang dagdag na pinagkakakitaan at maihanda sila sa pagnenegosyo.

 

Kaugnay nito, bilang isa sa mga ahensyang tagapagpatupad ng CFIDP, inihatid ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON ang Training on Agripreneurship and Organic Fertilizer Production for Coconut sa 25 mga magniniyog sa Bondoc Peninsula o ikatlong distrito ng Quezon. 

 

Layunin nitong makabuo ng dagdag na kabuhayan at mapabuti ang produksyon ng niyog, bilang hakbang tungo sa mas matatag at masaganang komunidad ng mga magniniyog. Bahagi rin ang pagsasanay ng pagpapatupad ng Convergence Area Initiative na inilunsad noong Enero 2025

Ginanap ang pagsasanay sa San Francisco, Quezon mula Setyembre 16-19, na nilahukan ng mga magniniyog mula sa mga bayan ng Buenavista, San Narciso, San Andres, at San Francisco.

 

Sa pagbubukas ng programa, malugod na binati ng Municipal Agriculturist ng San Francisco na si G. Randy Riego ang mga kalahok at nagpasalamat sa kanilang pagdalo. 

 

Naghatid naman ng mensahe sina Dr. Rolando Maningas, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, at Bb. Belen Ruiz, Division Chief ng PCA Quezon II, na kapwa nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagtutulungan upang mapaunlad ang industriya ng niyugan at mapalakas ang kabuhayan ng mga magniniyog.

 

Ulat ni: Archie C. Linsasagin (Information Officer II / ISS)

 

 

article-seo
bad