Pinalakas ang kahandaan ng mga bagong miyembro ng Samahan ng Organikong Industriya ng Laguna (SOIL) at Upland Cavite Farmers Agriculture Cooperative (UpCaFA) sa pagpapatupad ng Participatory Guarantee System (PGS) sa isinagawang pagsasanay na “Fostering Empowerment: A PGS Certification Initiative for Farmers,” noong Agosto 3-7, 2026 sa Sweet Nature Farms, Sta. Maria, Laguna.
Bahagi ang pagsasanay ng patuloy na mga inisyatiba ng ahensya upang mapalawak ang kaalaman at kasanayan ng mga magsasaka hinggil sa PGS certification at matiyak ang pagsunod ng kanilang mga sakahan at produksyon sa mga pamantayang itinatakda para sa organikong pagsasaka.
Binigyang-diin sa aktibidad ang mga pangunahing proseso at operasyon ng PGS, kabilang ang mga kinakailangan para sa membership, internal control, peer review, documentation, monitoring, at iba pang mahahalagang hakbang tungo sa paghahanda ng mga magsasaka para sa nasabing sertipikasyon.
Tinalakay rin sa pagsasanay ang mga kaugnay na Philippine National Standards (PNS) para sa organikong pagsasaka at iba pang teknikal na regulasyon na mahalagang malaman at maisabuhay ng mga magsasaka.
Sa pamamagitan nito, inaasahang mas magiging handa ang mga bagong miyembro ng SOIL at UpCaFA na iangkop ang kanilang mga gawaing pansakahan sa itinatakdang pamantayan at mapabuti ang kanilang dokumentasyon at recordkeeping.
Naging bahagi ng pangkat ng mga tagapagtalakay sina Bb. Mary Jennivie Dela Cruz ng UpCaFA at Bb. Andrea Karina Alforte ng SOIL, na nagbahagi ng kanilang kaalaman at aktwal na karanasan sa pagpapatupad ng PGS. Nagbahagi rin ng teknikal na kaalaman sina G. Arnaldo Gonzales, RAgr at G. Jun Villarante, RAgr ng DA-CALABARZON, gayundin si Bb. Soledad E. Leal, RAgr ng DA-ATI CALABARZON.
Sa kanyang mensahe ng suporta, binigyang-diin ni Center Director Dr. Rolando V. Maningas, RAgr, ang kahalagahan ng patuloy na pagtutulungan ng mga magsasaka, organisasyon, at mga katuwang na ahensya upang mapalakas ang organikong pagsasaka sa rehiyon.
Hinikayat niya ang mga kalahok na gamitin ang mga kaalamang kanilang natutuhan upang higit na mapabuti ang kanilang mga sakahan, mapanatili ang pagsunod sa mga pamantayan, at maging aktibong katuwang sa pagsusulong ng ligtas, sustenable, at de-kalidad na produksyon ng organikong pagkain.
Higit pa sa pagbibigay ng teknikal na kaalaman, nagsilbing pagkakataon ang pagsasanay upang mapalakas ang kumpiyansa at partisipasyon ng mga bagong miyembro sa PGS certification. Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng karanasan, talakayan, aktwal na gawain, at pagpapalitan ng mga praktikal na pamamaraan, nagkaroon ang mga kalahok ng mas malinaw na pag-unawa sa kanilang mga tungkulin at responsibilidad bilang bahagi ng PGS.
Sa patuloy na suporta ng DA-CALABARZON at DA-ATI CALABARZON, napalalakas ang kakayahan ng mga samahan ng mga magsasaka na makamit ang PGS certification at higit pang maisulong ang organikong pagsasaka bilang isang sustenible, inklusibo, at market-oriented na paraan ng pagsasaka sa rehiyon.
Ulat ni: Soledad E. Leal, RAgr