Upang mas mapabuti ang patubig sa mga sakahan gamit ang makabagong teknolohiya, patuloy ang suporta ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON sa pagpapalakas ng kapasidad ng mga Agricultural and Biosystems Engineers (ABE) sa rehiyon sa pamamagitan ng isinagawang Training on Designing Solar-Powered Irrigation System (SPIS) noong Hulyo 21-25, sa Trece Martires City, Cavite.
26 na kalahok mula sa iba't ibang bahagi ng CALABARZON ang nagtapos sa pagsasanay na layong palalimin ang kaalaman at hubugin ang kasanayan ng mga ABE sa wastong pagdidisenyo ng SPIS—isang makabagong teknolohiya sa patubig na gumagamit ng enerhiyang mula sa araw upang mapabuti ang irigasyon sa mga sakahan.
Tinalakay sa pagsasanay ang mga pangunahing kinakailangan at teknikal na konsiderasyon sa pagpapatupad ng proyekto upang masigurong epektibo at angkop ito sa mga lokal na kondisyon ng mga sakahan.
Bilang bahagi ng aktibidad, nagsagawa ang mga kalahok ng simpleng disenyo ng SPIS bilang aplikasyon ng kanilang natutuhan, na kanilang ipinresenta sa tagapagtalakay mula sa National Irrigation Administration Cavite - Batangas Irrigation Management Office (NIA-CBIMO) na si Engr. Neil Adrienel Dorio.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Bb. Sherylou Alfaro, Assistant Center Director ng DA-ATI CALABARZON, ang kahalagahan ng papel ng mga ABE sa modernisasyon ng agrikultura sa rehiyon.
Aniya, “Very proud po kaming sabihin sa ATI CALABARZON na dito sa rehiyon natin, ang mga Agricultural and Biosystems Engineers ay talagang maipagmamalaki natin na mahuhusay na katuwang sa sektor ng agrikultura.”
Dagdag pa rito, ang nasabing pagsasanay ay may kalakip na 10 continuing professional development (CPD) credit units para sa mga nagtapos na kalahok.
Ulat ni: Rabi Mendoza (Intern / ISS)