TIAONG, Quezon – Makalipas ang tatlong araw na pagsasanay, matagumpay na nagsipagtapos ang dalawampu't limang (25) Agricultural Extension Workers (AEWs) at mga lider-magsasaka mula sa iba't ibang bayan sa CALABARZON na kalahok sa “Training on Forage and Pasture Establishment and Management,” mula Hunyo 26-28, 2024, sa Calungsod Integrated Farm.
Mula sa mga talakayan at demontrasyon, nagkaroon ang mga kalahok ng mahahalagang kaalaman at kasanayan sa tamang pamamahala ng pakain at pastulan na inaasahang kanilang ibabahagi sa mga lugar na nasasakupan.
Ang hands-on na aktibidad naman sa paggawa ng silage ay isinagawa ng mga kalahok sa Calungsod Integrated Farm na isang Learning Site for Agriculture (LSA) I ng ahensya.
“Marami kaming natutunan na masasabi kong applicable talaga ito sa aming kooperatiba. Kaya pag-uwi namin, sisimulan ko ang natutunan kong ito sa sarili ko, at ipapamahagi ko sa aming mga miyembro,” pahayag ni G. Bien Roallos ng The Rosario Livestock and Agriculture Farming Cooperative (TRLAFCO).
Sa pagtatapos ng programa, nagbigay ng mensahe si CDMS Chief Bb. Vira Elyssa L. Jamolin bilang kinatawan ng DA-ATI CALABARZON, at si Atty. Raul Ancheta bilang kinatawan ng Calungsod Integrated Farm.
Ulat ni: Janine L. Cailo