Produksyon ng Kuneho: Alternatibong Mapagkukunan ng Masustansyang Karne, Suporta sa Lokal na Seguridad sa Pagkain

Tue, 08/19/2025 - 14:14
Produksyon ng Kuneho

 

Mula sa tamang pagpapalaki, pagkatay, at pagpoproseso ng kuneho, natutuhan ng mga kalahok na Agricultural Extension Worker (AEW) ang mga praktikal na hakbangin sa pamamahala ng kuneho bilang alternatibong mapagkukunan ng masustansyang karne.

Sa pamamagitan ito ng Training on Sustainable Rabbit Production in Urban Agriculture na inisyatiba ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON at isinagawa noong Agosto 13-15, sa Trece Martires City, Cavite at Nagcarlan, Laguna.

Bahagi ito ng hangaring mapalawak ang oportunidad sa agrikultura sa mga lungsod at maisulong ang mga angkop na teknolohiya na makatutulong sa pag-abot ng seguridad sa pagkain sa ilalim ng National Urban at Peri-urban Agriculture (NUPAP).

Bukod sa mga impormatibong talakayan mula kina Engr. John Mendoza at Bb. Arianne Peñalba ng DA-ATI CALABARZON, binisita rin ng mga kalahok ang Bong Sotoya Rabbitry sa Nagcarlan, Laguna upang aktwal na makita ang isang backyard-type rabbit farm at matutuo ng best practices sa pagkukuneho.

“Dahil sa pagsasanay, mas nakita ko na ang pag-aalaga ng kuneho ay isang oportunidad. Bilang Municipal Agriculturist, mas malalim kong naunawaan na ang pag-aalaga ng kuneho ay hindi lamang isang sustainable livestock enterprise. Isa rin itong karagdagang pagkakakitaan para sa ating mga magsasaka. Ipinakita ng pagsasanay ang potensyal nito upang mapabuti ang kabuhayan at maisulong ang mas diversified na agricultural production sa ating komunidad,” wika ni G. Werner Decena mula sa Mauban, Quezon.

Sa pagtatapos ng programa, nagpaabot ng mensahe sina Bb. Lourdes Arcasetas, may-ari ng Gintong Bukid Farm & Leisure; at G. Joseph Lee Corpuz, pangulo ng Association of Rabbit Meat Producers - Laguna Chapter.

Batid naman ni Dr. Rolando Maningas, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, na malaki ang bahagi ng mga AEW sa patuloy na pagpapakilala at pag-unlad ng industriyang ito lalo na pagdating sa integrasyon nito sa urban agriculture.

 

Ulat ni: Archie C. Linsasagin (Information Officer II / ISS)


 

article-seo
bad