Likhang Produkto Gamit ang Bao, Dagdag-kita sa mga Magniniyog

Wed, 09/03/2025 - 17:38
bao

 

 

Upang mas mapalago ang kita ng mga magsasaka, 30 mga magniniyog na miyembro ng Rhudarda Multi-purpose Cooperative (RMPC) sa Polillo, Quezon ang sumailalim sa tatlong araw na “Training on Coconut Shell Utilization for Crafting and Arts” na ginanap sa Brgy. Sibulan sa nasabing bayan noong Agosto 25-27.

Kaagapay ng DA-Agricultural Training Institute CALABARZON ang MoCa Family Farm RLearning Center, isang Private Agriculture and Fisheries - Extension Service Provider (PAF-ESP), sa pagsasagawa ng nasabing pagsasanay na naglalayong mas madagdagan ang kaalaman ng mga magniniyog sa mga produktong maaari nilang gawin gamit ang bao ng niyog. 

“Napakalaking bagay na nakakatulong tayo sa pagpapaunlad ng agrikultura, at makilala tayo bilang mga artistic at creative,” ani Bb. Hariet Eranista, kalahok ng pagsasanay. “Huwag nating hayaan na ang mga baong iyan ay maging uling na lamang,” dagdag pa ng kapwa kalahok na si Bb. Charito Juntereal. 

Sa mensahe ni Dr. Rolando Maningas, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, binigyang-diin niya na hindi dapat sayangin ang ganitong uri ng mga pagsasanay na nagnanais na mabigyan ng mas malaking kita ang magsasaka at magniniyog.

Nagbigay rin ng buong suporta ang lokal na pamahalaan ng Polillo sa mga lumahok sa pagsasanay at tiniyak na aagapay sila sa mga pangangailangan ng samahan sa pagpapalago at pagpapaunlad ng mga likhang produktong mula sa bao ng niyog.

Bahagi ang pagsasanay ng mga inisyatiba ng DA-ATI CALABARZON sa ilalim ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP). 

 

Ulat ni: Alfredo G. Torres (Technical Support Staff IV / PMEU)

 

 

article-seo
bad