Ihanda ang mga mag-aaral ng agrikultura para sa kanilang karera sa pagsasaka—ito ang layunin ng inilunsad na Project ELEVATE ng Department of Agriculture – Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON, isang LSA-led Internship Program, kasunod ng tatlong matagumpay na pilot run nitong mga nakaraang taon.
Pormal na pinagtibay ang Project ELEVATE, na nangangahulugang Empowering Learners through Education, Values Formation, Agricultural Training, and Experiential Learning, sa pamamagitan ng paglagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng DA-ATI CALABARZON, Laguna State Polytechnic University (LSPU) Siniloan Campus, at Silang Livestock Agriculture Cooperative (SLAC).
Isinagawa ang paglagda noong ika-25 ng Marso 2026 sa Research and Development Hall ng LSPU Siniloan Campus.
Pitong mag-aaral sa ika-apat na taon ng Bachelor of Science in Agriculture major in Animal Science mula sa LSPU Siniloan ang magsisilbing mga kalahok at maglalaan ng 240 oras para sa kanilang internship sa pasilidad ng SLAC sa Silang, Cavite.
Ang SLAC ay isang certified Learning Site for Agriculture (LSA) ng DA-ATI CALABARZON na dalubhasa sa produksyon ng baboy at kinikilala bilang awardee ng Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) Program ng DA.
Sa kanyang pahayag, nagpaabot ng pasasalamat si Center Director Dr. Rolando V. Maningas sa LSPU at SLAC para sa kanilang patuloy na pagsuporta sa mga programa ng DA-ATI.
Kinatawan naman nina Dr. Marlon M. Wankey (Campus Director, LSPU Siniloan) at Dr. Marc Sylvester Garcia (Dean, College of Agriculture) si LSPU President Dr. Mario Briones sa nasabing aktibidad. Mainit ding tinanggap ni G. Lynil Torres, General Manager ng SLAC, ang mga kalahok at nagbigay ng mensahe para sa mga magiging intern.
Bilang bahagi ng aktibidad, personal na ipinagkaloob ng DA-ATI CALABARZON ang mga internship kit sa mga mag-aaral. Binubuo ito ng mga kagamitang tulad ng boots, long sleeves, sumbrero, at iba pang training supplies na gagamitin ng mga mag-aaral sa loob ng halos isang buwang pagsasanay sa SLAC.
Patunay ang kolaborasyong ito ng dedikasyon ng DA-ATI CALABARZON na patuloy na paigtingin ang kaalaman at karanasan ng mga kabataan sa sektor ng agrikultura.
Ulat ni: Soledad E. Leal, RAgr (PAS)