Bilang bahagi ng patuloy na pagsuporta sa mga magsasaka na mapataas ang kanilang ani at kita, isinagawa ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON ang tatlong pangkat ng Rice Crop Manager (RCM) Briefing sa mga bayan ng Buenavista, Mulanay, Catanauan, Calauag, San Andres at San Francisco sa lalawigan ng Quezon.
Layunin ng nasabing aktibidad na mapalakas ang kaalaman at kasanayan ng mga lokal na magsasaka sa paglalagay ng angkop na dami ng abono sa produksyon ng palay.
Dumalo sa nasabing briefing ang mga municipal agriculture officer, agricultural extension workers (AEWs) ng dalawang bayan, at mahigit 50 magsasaka mula sa iba't ibang barangay.
Sa pamamagitan ng Rice Crop Manager Advisory Service (RCMAS) na isang digital advisory tool, natutulungan ang mga magsasaka na makabuo ng rekomendasyon batay sa uri ng lupa, tanim, at mga kasanayang ginagamit sa bukid.
Sa nasabing briefing, ipinaliwanag kung paano gamitin ang RCMAS sa pagbibigay ng tiyak na abiso para sa tamang uri at dami ng pataba, pati na rin ang angkop na iskedyul ng paglalagay nito.
Bukod sa teknikal na presentasyon, nagkaroon din ng open forum kung saan malayang naipahayag ng mga magsasaka ang kanilang mga karanasan, katanungan, at mungkahi. Ibinahagi rin ng ilan ang kanilang positibong karanasan sa paggamit ng RCMAS sa mga nakaraang cropping season, na nagresulta sa mas mataas na ani at mas mababang gastos.
Sa pagtatapos ng aktibidad, mahigit 150 magsasaka ang nakatanggap ng kani-kanilang rekomendasyon para sa nalalapit na cropping season.
Inaasahan na sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagsasanay at suporta, mas maraming magsasaka ang makikinabang sa teknolohiyang tulad ng RCM, tungo sa isang mas produktibo at mas matatag na sektor ng agrikultura sa Quezon.
Ulat ni: Hans Christopher C. Flores (Agriculturist I/ISS)