Pinagtibay ang dedikasyon sa pamumuno at pagkakaisa ng mga Rural Improvement Clubs (RIC) sa rehiyon sa pamamagitan ng Oath-taking Ceremony at 1st Regional Meeting na isinagawa ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON noong Marso 26, 2026 sa DA-ATI CALABARZON, Trece Martires City, Cavite.
Sa panunumpa ng mga bagong halal na opisyal, mas nabigyang-diin ang kanilang pagnanais na palakasin ang samahan at magsulong ng mga inisyatibang magpapabuti sa kabuhayan ng mga komunidad sa kanayunan. Sinundan ito ng pagpupulong na nagsilbing plataporma upang pagtugmain ang mga plano, prayoridad na programa, at mga gawain para sa taong 2026.
Nagbigay naman ng mensahe ng pagsuporta si Center Director Dr. Rolando V. Maningas. Aniya, “Patuloy nating palakasin ang ating mga samahan at gawing sandigan ang pagkakaisa tungo sa mas maunlad na sektor ng agrikultura.”
Nagpahayag din ng mensahe si Atty. Mabel Villarica Mamba, National RIC President, “Ang RIC ay mahalagang katuwang sa paghubog ng matatag at aktibong kababaihan sa kanayunan.”
Samantala, binigyang-diin ni Bb. Abegail Del Rosario, Chief ng Partnerships and Accreditation Section (PAS), ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos, “Sa tuloy-tuloy na kolaborasyon at aktibong partisipasyon, makakamit natin ang inklusibo at sustenableng kaunlaran sa agrikultura.”
Sa aktibong partisipasyon ng mga kalahok, mas napagtibay ang direksyon ng RIC bilang mahalagang katuwang sa pagsusulong ng inklusibo at sustenableng kaunlarang pang-agrikultura sa rehiyon.
“Ang pagtitipong ito ay patunay ng ating pagkakaisa at dedikasyon na paigtingin ang papel ng RIC sa pagpapaunlad ng ating mga komunidad. Sama-sama nating isusulong ang mga programang tunay na makikinabang ang mga kababaihan at magsasaka sa kanayunan,” pahayag naman ni RIC Regional President na si Bb. Angelica Martinez.
Ulat ni: Jannah I. Sarvida, RAgr (PAS)