DA-ATI CALABARZON at CSC Region IV, Pinagtibay ang Kakayahan sa Pamumuno ng mga AEW

Thu, 02/26/2026 - 12:26
SDC Track 3

 

 

Bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng pamumuno at serbisyo publiko sa sektor ng agrikultura, matagumpay na isinagawa ng Department of Agriculture-Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON, katuwang ang Civil Service Commission (CSC) Region IV, ang Supervisory Development Course (SDC) Track 3. 

Sa huling bahagi ng serye ng Supervisory Development Course (SDC) Track 3, binigyang-pokus ang mahahalagang hakbang sa pagpapatibay ng kakayahan ng mga kalahok bilang mga lider. Dinaluhan ito ng mga city/municipal agriculturist at beterinaryo mula sa iba’t ibang local government units sa CALABARZON, kasama ang piling kawani mula sa DA-Regional Field Office IV-A at DA-ATI CALABARZON.

Pinangunahan ang aktibidad ni Dr. Rolando V. Maningas, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng tuloy-tuloy na paglinang ng kakayahan sa pamumuno. 

Ayon sa kanya, ang pamumunong nakaugat sa integridad, kakayahan, at malinaw na layunin ay nagbubunga ng mas matatag na implementasyon ng programa at mas responsableng serbisyo para sa mga magsasaka, mangingisda, at komunidad.

Sa unang araw ng pagsasanay, tinalakay ni Dir. Jeffrey C. Cruz ng CSC Field Office Cavite ang Module I: Making a Difference Through Leadership, kung saan ibinahagi ang mahahalagang konsepto at praktikal na pananaw sa epektibong superbisyon sa sektor publiko. 

Sa huling sesyon naman, pinangunahan ni Dir. Maria Theresa R. Poblador ng CSC Field Office Oriental Mindoro ang Module II: Making Powerful, Winning Presentations, na nagpalakas sa kakayahan ng mga kalahok sa malinaw at epektibong komunikasyon—isang mahalagang kasanayan sa pamumuno at pagpapatupad ng mga programang pang-agrikultura.

Sa kanyang testimonya, malaking pasasalamat ang ipinaaabot ni Gracielle Decena, Municipal Agriculturist mula sa Mulanay, Quezon, sa DA-ATI CALABARZON at CSC IV para sa pagkakataong makadalo sa pagsasanay. 

Aniya, ang SDC Track 3 ay nagbigay sa kanya ng mas malinaw na pag-unawa sa papel ng isang supervisor sa paghahatid ng mas epektibo at responsableng serbisyo publiko.

Sa pamamagitan ng programang ito, inaasahang babalik ang mga kalahok sa kani-kanilang komunidad at tanggapan na mas handa, mas may kumpiyansa, at mas may kakayahang manguna sa paghahatid ng mas epektibo at responsableng serbisyong pang-agrikultura.

Ang gawain ay isinagawa sa DA-ATI CALABARZON Training Hall mula Pebrero 17 hanggang 20, 2026.

 

Ulat ni: Janine L. Cailo, RAgr (Information Officer III / ISS)


 

article-seo
bad