Patunay ng patuloy na pag-unlad ng Silang Livestock Agriculture Cooperative (SLAC) sa Silang, Cavite ang nakatakdang pamamahagi nito ng tigsa-10 F1 piglets sa 11 kooperatiba sa rehiyon sa ilalim ng Koop Kapatid Program ng Cooperative Development Authority (CDA).
Ang SLAC ay benepisyaryo ng Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) Program ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON.
May kabuuang 110 F1 piglets ang ilalaan ng nasabing kooperatiba na ipamamahagi simula Oktubre ngayong taon, upang palakasin ang produksyon ng baboy at mag-ambag sa pagpapanatili ng mga lokal na kabuhayan sa pag-aalaga at pagpaparami nito.
Kabilang sa mga kooperatibang pagkakalooban ang:
1. Balayan Agriculture Cooperative - Balayan, Batangas
2. Piña Taysan Agriculture Cooperative (PiTAC) - Taysan, Batangas
3. Agribusiness Society Agriculture Cooperative (ABSAC) - Lopez, Quezon
4. Masikap Na Magniniyog Agriculture Cooperative (MAMACO) - San Narciso, Quezon
5. Lingkod Banahaw Multi-Purpose Cooperative - Candelaria, Quezon
6. San Nicolas Farmers Agriculture Cooperative - Macalelon, Quezon
7. Mabuhay Golden Harvest Agriculture Cooperative - Baras, Rizal
8. Jala Jala Farmers Marketing Cooperative - Jalajala, Rizal
9. Native Animals Farmers Agriculture Cooperative (NAFAC) - Baras, Rizal
10. Corazon de Jesus Multi-Purpose Cooperative - Baras, Rizal
11. Bukluran sa Kaunlaran ng Tibig Multipurpose Cooperative - Cavite
Kaugnay ng inisyatibang ito ang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng SLAC at ng 11 mga kooperatiba. Nakapaloob sa kasunduan ang magkakatuwang na pagpapatupad ng mga gawaing magpapabilis sa pagpaparami at pagpapalago ng alagang baboy—mula sa pagkuha at pamamahagi ng biik, tamang pagpapakain at pangangalaga, hanggang sa pagmomonitor ng kalusugan at pagsunod sa mga pamantayan ng biosecurity.
“Sa pamamagitan nito, naipapasa ang lakas at karanasan ng mas matatag na kooperatiba tungo sa mga nagsisimula at lumalago pa lamang,” pahayag ni G. Lynill Torres, pangulo ng SLAC.
Dagdag pa ng SLAC, ang paglalaan ng F1 piglets ay inaasahang magbubukas ng mas maraming pagkakataon sa pagnenegosyong pang-agrikultura na patuloy na bumabangon at sumasabay sa pangangailangan ng pamilihan.
Samantala, ang Koop Kapatid Program ay isang makabuluhang inisyatiba ng CDA na layong pagtibayin ang ugnayan ng mga kooperatiba at isulong ang pagpapaunlad ng kanilang mga kakayahan at kabuhayan.
Bilang pagsuporta sa nasabing gawain, aktibong nakibahagi at nagbigay ng mensahe sina Dr. Rolando Maningas, Center Director ng DA-ATI CALABARZON; Dir. Salvador Valeroso, Regional Director ng CDA CALABARZON; at PGen. Edward Carranza, alkalde ng Silang.
Sa kabuuan, ang pamamahaging ito ng SLAC, kalakip ang suporta ng DA-ATI CALABARZON at paggabay ng CDA, ay konkretong hakbang sa pagpapalakas ng lokal na suplay ng karne ng baboy, pag-angat ng kita ng mga magbababoy, at pagpapatibay sa mga kooperatiba bilang sandigan ng mas inklusibo at matatag na agrikultura sa CALABARZON.
Ulat nina: Hans Christopher C. Flores (Agriculturist I / ISS) at Joren A. Pamplona (Engineer I / CDMS)