Mataas na Produksyon ng Sariwang Pagkain sa Komunidad, Layon ng Pagsasanay para sa NHA Beneficiaries

Tue, 08/12/2025 - 18:20
NHA Beneficiaries

 

Bilang suporta sa programang Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP), pinangunahan ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON, katuwang ang National Housing Authority (NHA) at Municipal Agriculture Office ng Naic, Cavite, ang unang pangkat ng “Sow, Grow, and Sustain: Urban Agriculture Technologies for Enhancing Food Access and Livelihood Operations” para sa mga benepisyaryo ng NHA Cavite District sa Glori-Mor Ville.

Layunin ng aktibidad na mapalawak ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok sa wastong pamamaraan ng pagtatanim ng gulay bilang suporta sa pagtatatag ng produktibo at pangmatagalang kanilang community garden. Sa pamamagitan nito, inaasahan ding tataas ang kanilang kakayahan sa produksyon ng sariwang pagkain at mapalalakas ang kanilang kabuhayan.

Bilang panimula, nakatanggap ang mga miyembro ng Glori-Mor Ville Home Owners’ Association ng urban agriculture starter kit na naglalaman ng gardening tools, organikong pataba, at binhi para sa kanilang itatatag na communal garden—isang kongkretong hakbang tungo sa mas luntian, masustansya, at mas masiglang komunidad. 

“Dahil dito, nagkaroon kami ng maraming kaalaman sa pagtatanim at paggawa ng homemade fertilizer na maaari naming magamit sa aming lugar at maituro sa aming sambahayan, maging sa mga kabataan na gustong matuto pagdating sa pagtatanim,” ani Ailyn Montero, isa sa mga kalahok.

Sa pagtatapos ng programa, nagbahagi ng mensahe sina G. Sot Llamas, Community Support Services Officer ng NHA Cavite District; at Bb. Vira Elyssa Jamolin, Training Specialist III ng DA-ATI CALABARZON. 

Sinundan ito ng mensahe mula kay Dr. Rolando Maningas, Center Director ng ATI CALABARZON. Aniya: “Ang pagsasanay na ito ay higit pa sa pagsasaka ito ay pagtatanim ng pag-asa, paglago ng kaalaman, at pagpapatuloy ng kabuhayan. Sa pamamagitan ng urban agriculture, ating binibigyang halaga ang kakayahan ng bawat isa na makapagtanim at makapagprodyus ng sarili nilang pagkain, kahit sa limitadong espasyo.”

 

Ulat ni: Archie Linsasagin (Information Officer II / ISS)

 

 

article-seo
bad