Upang higit na mapaunlad ang kaalaman at kasanayan ng mga magsasaka sa pagtatanim at pagnenegosyo ng gulay, matagumpay na isinagawa ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON, katuwang ang mga lokal na pamahalaan ng Tanza, Cavite; Pililla, Rizal; Tayabas City, Guinayangan, at Pagbilao, Quezon, sa pamamagitan ng mga tanggapan pambayang agrikultor, ang Farmer Training on Vegetable Production, Postharvest Handling Technologies, and Marketing.
Layunin ng serye ng pagsasanay na mapalawak ang kaalaman ng mga kalahok sa makabagong pamamaraan ng produksyon ng gulay at paggamit ng wastong postharvest handling technologies upang mapanatiling mataas ang kalidad ng ani at mabawasan ang pagkasira ng produkto pagkatapos ng anihan.
Bahagi rin ng pagsasanay ang marketing at pagbuo ng negosyo upang matulungan ang mga magsasaka na mapaunlad ang kanilang kita at makapasok sa mas malawak na pamilihan.
Sa loob ng pagsasanay, ibinahagi ng mga tagapagsalita ang pinakabagong kaalaman at teknolohiya sa pagtatanim ng gulay, kabilang ang pagpapakilala ng mga bagong varieties, integrated pest management (IPM), at wastong paggamit ng mga abono at organikong pamamaraan.
Isinagawa rin ang hands-on activities gaya ng paghahanda ng pagpupunla, pamamahala ng lupa, at mga demonstrasyon sa postharvest handling upang magkaroon ng praktikal na karanasan ang mga kalahok.
Ipinahayag ng mga kalahok na magsasaka ang kanilang pasasalamat sa oportunidad na matuto ng mga makabagong kaalaman na makatutulong upang mapataas ang kanilang ani at kita.
Ayon sa kanila, malaki ang naitulong ng pagsasanay hindi lamang sa paglinang ng kanilang kaalaman kundi pati na rin sa pagbibigay ng kumpiyansa upang pamahalaan ang kanilang sakahan bilang isang maayos na agri-negosyo.
Ang gawaing ito ay bahagi ng pagsasakatuparan ng mga re-entry plan ng mga agricultural extension worker (AEW) na sumailalim sa Season-long Training of Trainers on Vegetable Production noong 2024.
Sa pamamagitan nito, naipatutupad ng mga AEW ang kanilang mga natutuhan sa pamamagitan ng aktwal na pagpapalaganap ng teknolohiya at kaalaman sa kani-kanilang lokalidad.
Ulat ni: Lizbeth David (Training Specialist II / CDMS)