SILANG, Cavite – Mga aktibong kasapi ng Yakap at Halik Multi-Purpose Cooperative at mga agricultural extension worker (AEW) mula sa mga bayan ng General Emilio Aguinaldo at Amadeo sa Cavite ang sinanay ng ikalawang pangkat ng 10-araw na Training of Trainers (ToT) on Participatory Guarantee System (PGS) mula ika-15 hanggang ika-26 ng Abril, 2024 sa Teofely Nature Farm.
May titulong “Fostering Empowerment: A PGS Certification Initiative for Farmers” ang pagsasanay, na pinangunahan ng Department of Agriculture-Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON sa pamamagitan ng Partnerships and Accreditation Section (PAS) nito at sa pakikipagtulungan sa DA-Regional Field Office (RFO) IV-A.
Nagpahayag ng suporta sina DA-ATI CALABARZON Center Director Dr. Rolando V. Maningas sa nasabing pangkat at umaasang palalaganapin ng nasabing grupo ang organikong pagsasaka sa kanilang mga bayan. Nagsilbi namang mga tagapagatalakay sina G. Marianito E. Mendoza, Jr., G. Jun Villarante, at G. Arnaldo P. Gonzales mula sa DA-RFO IV-A.
Nagkaroon ng participatory-lecture discussion, workshops, at farm inspection o peer review sa lengguwahe ng PGS ang mga kalahok sa Los Pepes Farm at Casama Agricultural Learning Center na dalawa sa mga farm na bubuo sa PGS Core Group ng nasabing samahan.
Samantala, sa pagtatapos ng pagsasanay, malugod na binati ni DA-ATI CALABARZON OIC-Asst. Center Director Bb. Sherylou C. Alfaro ang mga nagsipagtapos. Nagpahayag din ng suporta si Sen. Cynthia A. Villar, Chairperson ng Committee on Agriculture and Food, sa mga kahalok.
Sa kabilang banda, nagpahayag ng kanilang mga natutuhan at impresyon ang mga kalahok na sina G. Gabriel Arubio, G. Randy Aure, at Bb. Haydee Navarez. Nagbigay din ng impresyon si G. Demetrio Quibael, Jr. mula naman sa hanay ng AEWs.
Itutuloy sa mga susunod na buwan ng nasabing samahan ang pagsasapinal ng kanilang Manual of Operations gayundin ang paghahanda para sa pre-inspection na isasagawa ng Regional Pre-Assessment Team (RPAT) ng DA-RFO IV-A.
Ulat ni: Soledad A. Leal