Sa layuning higit pang mapalakas ang sektor ng organikong pangisdaan sa lalawigan, matagumpay na nagtapos ang dalawampu’t limang (25) Agricultural Extension Workers (AEWs) sa Training on Organic-based Inland Aquaculture na idinaos noong Mayo 4-8, 2026. Isinagawa ang pagsasanay sa pamamagitan ng blended learning o pinagsamang online at face-to-face session sa BFAR National Inland Fisheries Technology Center (NIFTC), Tanay, Rizal.
Pinangunahan ng DA-ATI CALABARZON ang nasabing pagsasanay, sa pakikipagtulungan sa BFAR-NIFTC, na layong mapataas ang lokal na produksyon habang tinitiyak na ligtas, de-kalidad, at sustenable ang suplay ng isda para sa mga komunidad sa Rizal.
Sa tulong ng mga eksperto mula sa BFAR-NIFTC, masusing tinalakay ang mga makabagong teknolohiya at organikong pamamaraan sa aquaculture. Tinalakay nila ang mga paksa patungkol sa iba’t ibang aquaculture species, Philippine National Standards (PNS) on Organic Aquaculture, pamamahala ng palaisdaan, paggawa ng pakain, pamamahala sa kalidad ng tubig, at iba’t ibang oportunidad na pangkabuhayan.
Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Dr. Rolando V. Maningas, RAgr, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, na ang inisyatibong ito ay bahagi ng patuloy na hangarin ng ahensya sa paghahatid ng mahusay na serbisyong pang-ekstensyon. Pinasalamatan din niya ang dedikasyon ng mga kalahok at binigyang-diin ang mahalagang papel ng mga AEW sa paglilipat ng kaalamang ito sa mga mangingisda sa kanilang mga lokalidad.
Nagpaabot din ng hamon at pagbati si G. Adan S. Diamante, Senior Aquaculturist ng BFAR-NIFTC, sa mga nagsipagtapos. Hinikayat niya ang mga AEW na maging aktibong katuwang sa pag-unlad ng industriya at gamitin ang kanilang mga natutunan upang iangat ang antas ng pamumuhay ng mga mangingisda.
“Isang napakagandang pagkakataon na ako ay nakasama sa training na ito dahil talagang kami ay seryoso patungkol sa inland aquaculture na aming ipapatupad sa bayan ng Rodriguez. Patuloy naming isusulong ang organikong pangisdaan sa aming bayan,” ani G. Isagani G. Serrano, Municipal Agriculturist, na naging kalahok sa nasabing pagsasanay.
Ulat ni: Soledad E. Leal (Agriculturist II / PAS)