Mas napalawak ang kaalaman at kakayahan ng mga magniniyog sa rehiyon sa mahusay na pamamahala ng supply chain at logistics ng kopra sa pamamagitan ng isang espesyal na pagsasanay na isinagawa mula Hunyo 16-18, 2026, sa Ouan’s Worth Farm and Family Resort Corporation sa Lucena City, Quezon.
Lumahok sa tatlong araw na Training on Supply Chain and Logistics Management for Copra ang 30 miyembro ng Asosasyon ng Nagkakaisang Agrikulturang Kooperatiba ng Bondoc Peninsula (ANAK ng BonPen) mula sa mga piling convergence area sa lalawigan ng Quezon.
Layunin ng programa na palakasin ang kakayahan ng mga lokal na magsasaka upang mapabuti ang kalidad at kahusayan ng kanilang mga produktong kopra sa merkado.
Tinalakay sa pagsasanay ang mga konsepto at estratehiya sa supply chain management, logistics, quality standards, at market dynamics ng industriya ng niyog. Binigyang-diin din ang kahalagahan ng tamang moisture content, wastong pagpoproseso, pag-iimbak, at pagdadala ng kopra upang mapanatili ang kalidad nito at makamit ang mas mataas na presyo.
Bilang bahagi ng experiential learning, nagsagawa rin ang mga kalahok ng site visits sa mga pasilidad na may kaugnayan sa industriya upang aktuwal na makita ang mga pamantayang sinusunod sa paghawak ng produkto at ang mga salik na nakakaapekto sa presyo nito.
“Malaking karagdagan ito sa aming kaalaman dahil mas nakita ko ang kabuuang proseso kung paano napapahalagahan ang isang produkto mula produksyon hanggang sa makarating sa tamang mamimili. Natutunan ko rin ang kahalagahan ng kalidad ng kopra at kung paano ito nakakaapekto sa presyo at pagtanggap ng mga oil mill,” ani Analyn Arnoza, isa sa mga kalahok mula sa San Francisco, Quezon.
Nagpaabot naman ng kanilang suporta at mensahe sina Dr. Rolando V. Maningas, RAgr, Center Director ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON; at G. Bibiano C. Concibido Jr., RAgr, Regional Manager III ng Philippine Coconut Authority (PCA) Region IV-A.
Sa kanilang mga pahayag, ipinaalala nila ang kahalagahan ng patuloy na pag-aaral, paggamit ng makabagong teknolohiya, at pagkakaisa ng mga kooperatiba upang mapataas ang kalidad ng lokal na kopra at mapalawak ang oportunidad sa merkado.
Pinangunahan ang pagsasanay ng DA-ATI CALABARZON, katuwang ang PCA IV-A at iba pang ahensya sa ilalim ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP), na naglalayong maghatid ng mas produktibo, de-kalidad, at mas matatag na kabuhayan para sa mga magniniyog sa rehiyon.
Ulat ni: Kathlyn C. Paladin