Isa sa mga suliraning kinahaharap ng industriya ng paghahayupan ang hindi tamang pamamahala ng dumi ng hayop na maaaring magdulot ng panganib sa mga komunidad at magresulta sa iba't ibang suliraning pangkalikasan at pangkalusugan.
Kaya naman, mahalaga ang pagpapatupad ng epektibong mga estratehiya sa pamamahala ng basura, kabilang ang pagko-compost, tamang pag-iimbak at pagtatapon, pati na rin ang iba pang mga kasanayan sa pamamahala nito—na siyang pinagtuunan ng pagsasanay.
Upang maibahagi kung paano gawing kapaki-pakinabang ang dumi ng hayop na maaari ding solusyon sa mga isyung pangkalikasan, 25 Agricultural Extension Workers (AEWs) mula sa Cavite at Batangas ang sinanay ng Trash to Cash: Training on Animal Waste Management and Utilization na ginanap mula Hulyo 22-24, sa Gourmet Farms Inc., Silang, Cavite.
Pinangunahan ang pagsasanay ng Gourmet Farms, Inc., isang Private Extension Service Provider (ESP) ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON, katuwang Office of the Provincial Veterinarian ng Cavite. Aktibong kabalikat ng ahensya ang nasabing farm sa paghahatid ng mga pagsasanay at iba pang gawaing pang-ekstensyon na nakatutulong sa pagpapaunlad ng kapasidad ng mga AEW at kabuhayan ng mga magsasaka.
“Bilang, isang extension worker, malaking tulong sa akin ang pagsasanay na ito. Dati, tinitingnan lang naming ang dumi ng hayop bilang basura. Pero ngavon, nakita naming na maaari pala itong pagkakitaan at maging solusyon sa polusyon,” pahayag ni Dr. Andrew Buencamino mula sa Dasmariñas City.
Sa loob ng tatlong araw, binigyang-pokus ng pagsasanay ang friendly pig production, animal waste management and utilization, biogas technological process and principles, operation and maintenance of biogas digester, biogas handling, at mortality and vermicomposting.
Samantala, sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Dr. Rolando Maningas, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, na kung mapapamahalaan at mapoproseso nang maayos ang mga dumi ng hayop, maaari itong maging kabuhayan, solusyon sa polusyon, at tulay tungo sa mas ligtas na kapaligiran.
Inaasahan naman na ibabahagi ng mga kalahok ang kanilang natutuhan mula sa pagsasanay sa mga magsasaka sa kanilang lokalidad.
Ulat ni: John Patrick Rufo (Intern / ISS)