Pinangunahan ng Department of Agriculture–Agricultural Training Institute CALABARZON (DA–ATI CALABARZON) ang gawaing “Nurturing the Future: The Youth Internship Program on Organic Agriculture (YIPOA) Batch 3 Culminating Activity” na ginanap noong Disyembre 22, 2025 sa Costales Nature Farms, Majayjay, Laguna. Layunin ng aktibidad na pagtibayin ang kakayahan ng kabataang magsasaka at bigyang-suporta ang kanilang pagsisimula sa negosyong organiko.
Dinaluhan ang culminating activity ng anim (6) na interns at apat (4) na farm partners mula sa iba’t ibang bahagi ng CALABARZON. Nagsilbi itong pormal na pagtatapos ng kanilang internship sa ilalim ng YIPOA, isang programang nakatuon sa paghuhubog ng kabataan sa pamamagitan ng hands-on learning, mentorship, at aktwal na pagpapatupad ng mga organikong pamamaraan sa pagsasaka.
Bilang mahalagang bahagi ng programa, iginawad ni Center Director Dr. Rolando V. Maningas, RAgr, ang halagang ₱150,000.00 na support fund sa bawat intern bilang tulong sa pagsasakatuparan ng kanilang mga aprubadong Business/Enterprise Plans (BEP). Ang nasabing suporta ay inaasahang magsisilbing panimulang puhunan upang mapalago ang kanilang mga organic farming enterprises at maisalin sa aktwal na kabuhayan ang mga natutunang kaalaman.
Sa kanyang mensahe, nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat si Dr. Maningas sa mga interns sa kanilang patuloy na pagyakap sa organikong pagsasaka. Binigyang-diin din niya ang mahalagang papel ng mga mentors at farm partners sa paggabay sa kabataan at sa walang humpay na pagsusulong ng organikong agrikultura sa rehiyon.
Nagpaabot din ng suporta ang DA–Regional Field Office (RFO) sa katauhan ni G. Arnaldo P. Gonzales, Alternate Organic Agriculture (OA) Focal Person, na kumatawan kay RTD Felix Joselito H. Noceda, Regional OA Focal Person. Ipinahayag niya ang pagbati at pasasalamat sa mga interns at mentors bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon at mahalagang ambag sa tagumpay ng programa.
Ang YIPOA Batch 3 Culminating Activity ay sumasalamin sa patuloy na adbokasiya ng DA–ATI CALABARZON na palakasin ang partisipasyon ng kabataan sa agrikultura at ihanda sila bilang mga susunod na henerasyon ng organic farmers at agripreneurs. Sa pamamagitan ng pinagsamang kaalaman, mentorship, at konkretong suporta, patuloy na isinusulong ng institusyon ang sustainable, inclusive, at makabagong agrikultura sa CALABARZON.