Bilang bahagi ng pagpapalakas ng kakayahan ng mga katuwang sa ekstensyon at samahang pang-agrikultura sa CALABARZON, pormal na nilagdaan ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON at ng Association of R4A-Extension Partners, Inc. ang Memorandum of Understanding (MOU) para sa pagbibigay at pagtanggap ng iba’t ibang makinaryang pang-agrikultura noong Hunyo 25, 2026.
Ang mga kagamitang ito ay magagamit sa produksyon, pagsasanay, at iba pang gawaing pang-ekstensyon ng samahan upang higit na mapalawak ang paghahatid ng mga teknolohiya at serbisyong pang-agrikultura sa mga magsasaka at iba pang stakeholders.
Pinangunahan nina Dr. Rolando V. Maningas, RAgr, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, at G. Elmer Paulo M. Relente, Pangulo ng Association of R4A-Extension Partners, Inc., ang pagpapatibay ng kasunduan.
Bahagi rin ng programa ang demonstration activity sa wastong operasyon at paggamit ng multipurpose shredder upang matiyak ang ligtas at episyenteng paggamit ng makinarya.
Sa pamamagitan ng inisyatibang ito, inaasahang higit pang mapalalakas ang kakayahan ng mga katuwang sa ekstensyon sa paghahatid ng mga teknolohiya, pagsasanay, at serbisyong makatutulong sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura sa CALABARZON.