Bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng industriya ng niyog at pagsusulong ng mga oportunidad sa kabuhayan, matagumpay na nagtapos ang tatlumpung (30) kalahok mula sa bayan ng Alabat, Quezon, sa limang-araw na CocoCreations: Training on Coconut-Based Product Processing.
Ang pagsasanay ay isinagawa sa pangunguna ng Philippine Coconut Authority (PCA) Region IV-A, katuwang ang DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON, lokal na pamahalaan ng Alabat, at Department of Trade and Industry (DTI) Alabat.
Sa loob ng limang araw, nabigyan ang mga kalahok ng kaalaman at praktikal na kasanayan sa pagpoproseso ng mga produktong may dagdag na halaga mula sa niyog. Kabilang sa kanilang mga naging output ang coconut-based lotion at balm, massage oil, coconut soap, coco jam, macapuno pie at tart, na maaaring magsilbing karagdagang mapagkukunan ng kabuhayan at oportunidad sa pagnenegosyo.
Sa pagtatapos ng programa, nagbigay ng mensahe ng suporta at pagbati sina Alabat Mayor Eizelle Avellano-Canimo; G. Moises De Mesa, RAgr, Project Development Officer III ng PCA IV-A; at Bb. Victoria Gonzales, Negosyo Center Business Counselor ng DTI Alabat.
Sa kanilang mga mensahe, binigyang-diin nila ang kahalagahan ng patuloy na paglinang ng kaalaman, pakikipagtulungan ng mga ahensya, at paglikha ng mga produktong may mataas na halaga upang higit pang mapaunlad ang kabuhayan ng mga magniniyog at ng buong komunidad.
Samantala, nagpaabot din ng mensahe ng pagbati at suporta si Center Director Dr. Rolando V. Maningas, RAgr ng DA-ATI CALABARZON. Ipinahayag niya ang kanyang pag-asang ang mga kaalaman at kasanayang natutuhan ng mga kalahok ay magsisilbing pundasyon sa paglikha ng mga bagong oportunidad sa kabuhayan, hindi lamang para sa kanilang mga pamilya, kun’di maging sa kanilang komunidad.