Matagumpay na nagtapos ang tatlumpung (30) kalahok mula sa bayan ng Candelaria, Quezon sa Training on Coconut-Coffee Farming System (Batch 1), matapos ang tatlong-araw na pagsasanay sa coconut-coffee farming system bilang isang alternatibong pinagkukunan ng kita ng mga magniniyog.
Sa loob ng pagsasanay na handog ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON, pinalalim ng mga kalahok ang kanilang kaalaman sa wastong pagpaparami ng kape, pagtatatag ng coffee nursery, pamamahala ng mga peste at sakit, at paggamit ng kape bilang intercrop sa niyugan. Bahagi rin ng programa ang educational visit sa ADARNA Agriculture Cooperative, kung saan personal nilang nasaksihan ang pagproseso ng kape at iba pang mahahalagang gawain sa value chain nito.
Nagbigay ng mensahe ng pagbati at inspirasyon si Dr. Rolando V. Maningas, RAgr, Center Director ng DA-ATI CALABARZON. Nagpaabot din ng suporta at pagbati si Bb. Cristina D. Anacio, RAgr, OIC-Municipal Agriculturist ng Candelaria, Quezon, at hinikayat ang mga kalahok na isabuhay at ibahagi ang kanilang mga natutuhan upang higit pang mapaunlad ang industriya ng niyog at kape sa kanilang mga komunidad.
Ang pagsasanay ay isinagawa ng DA-ATI CALABARZON sa ilalim ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP), katuwang ang Office of the Municipal Agriculturist ng Candelaria, Quezon, bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng mga teknolohiyang makatutulong sa pagpapalawak ng kabuhayan ng mga magniniyog.