Mas pinalalakas pa ang ugnayan ng akademya at industriya sa ikalawang pagsasagawa ng Project ELEVATE: Empowering Learners through Education Values Formation, Agricultural Training, and Experiential Learning sa pamamagitan ng paglagda ng Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON, Laguna State Polytechnic University (LSPU), at Agri-Joy Dairy and Agriventures Inc., isang certified Learning Site for Agriculture (LSA) sa Lipa City, Batangas.
Sa ilalim ng programa, sasailalim sa 240-oras na internship ang 10 mag-aaral mula sa LSPU. Layunin ng Project ELEVATE na mabigyan ang mga mag-aaral ng makabuluhang hands-on learning experience sa pamamagitan ng aktuwal na pagsasanay sa mga teknolohiya at best practices sa mga gawaing pang-agrikultura na isinasagawa sa mga katuwang na farm ng DA-ATI CALABARZON.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Dr. Rolando V. Maningas, RAgr, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, ang kahalagahan ng patuloy na pakikipagtulungan sa mga LSA at mga State Universities and Colleges (SUCs) upang higit pang mapahusay ang pagpapatupad ng mga internship program. Aniya, ang ganitong inisyatiba ay nagsisilbing tulay upang maisabuhay ng mga mag-aaral sa aktuwal na sakahan ang mga kaalaman at teoryang kanilang natutuhan sa loob ng silid-aralan.
Nakiisa rin sa MOU signing ceremony sina Dr. Marc Sylvester Garcia, RAgr, Dekano ng LSPU College of Agriculture; G. Bryan Mathew V. Katigbak, Executive Vice-President, at G. Jade delos Santos, Farm Manager ng Agri-Joy Dairy and Agriventures, Inc.
Sa pamamagitan ng Project ELEVATE, patuloy na isinusulong ng DA-ATI CALABARZON ang mga inisyatibang nag-uugnay sa edukasyon at aktuwal na praktis sa agrikultura upang makahubog ng mga kabataang handa sa makabago at masiglang sektor ng agrikultura.