Matagumpay na nagtapos ang dalawampu’t tatlong (23) magsasaka at mga miyembro ng Asociacion Organico Agricultura de Lipa (AOADL) sa “Training on Organic Agriculture Technologies.”
Isinagawa ang limang araw na pagsasanay noong Abril 13-17, 2026 sa OA Research and Development Center, Lipa City, Batangas, sa ilalim ng inisyatibong palawakin ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok sa iba’t ibang teknolohiya ng organikong pagsasaka.
Sa loob ng pagsasanay, sumailalim ang mga kalahok sa masinsinang talakayan at hands-on activities patungkol sa iba’t ibang teknolohiya tulad ng vermiculture at vermicomposting, paggawa ng iba’t ibang uri ng organikong pataba, at organic concoctions.
Maliban sa mga teknikal na aspeto ng paggawa ng pataba, naging sentro rin ng talakayan ang wastong pamamaraan ng organikong pagtatanim ng gulay upang matiyak ang masustansya at ligtas na ani.
Binigyang-diin din ang Participatory Guarantee System (PGS) at ang Philippine National Standards (PNS) on Organic Agriculture na naglalayong gawing mas madali at abot-kaya para sa mga maliliit na magsasaka ang sertipikasyon ng kanilang mga produktong organiko. Bahagi rin ng kurikulum ang pagbisita at demonstrasyon sa organic beekeeping na ginanap sa Pia’s Bee Farm, Lipa City.
Sa pagtatapos ng pagsasanay, nagpaabot ng mensahe si G. Felix Joselito Noceda, Regional OA Focal Person ng DA-Regional Organic Agriculture Program, kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagyakap sa mga organikong pamamaraan sa gitna ng mga hamon sa sektor ng agrikultura. Nagpahayag din ng pagbati si G. Michel Lalap mula sa Agricultural Program Coordinating Office (APCO) Batangas bilang pagkilala sa dedikasyon ng mga magsasaka.
Samantala, pinasalamatan ni Dr. Rolando Maningas, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, ang mga kalahok sa kanilang patuloy na pagtataguyod ng organikong pagsasaka na aniya’y susi hindi lamang sa kabuhayan kundi pati na rin sa pangangalaga sa kalikasan at kalusugan ng mga mamimili.
Bilang pagtatapos, nagpahayag ng pasasalamat si G. Rafael Silva, pangulo ng AOADL, para sa oportunidad na mapalakas ang kapasidad ng kanilang mga miyembro sa tulong ng mga bagong kaalaman.
Inaasahan na ang mga nagsipagtapos ay magsisilbing katuwang ng pamahalaan at magiging aktibong tagapagsulong ng mga natutuhang teknolohiya sa kani-kanilang mga komunidad upang mas lalo pang mapalago ang industriya ng organikong agrikultura sa rehiyon.
Ulat ni: Soledad E. Leal (PAS)