Mas mahusay na imprastraktura sa agrikultura, inaasahan sa pamamagitan ng pagsasanay ng kakayahan ng 30 ABE sa CALABARZON

Fri, 07/31/2026 - 15:35

Mas maraming magsasaka sa CALABARZON ang inaasahang makikinabang sa mas maayos na pagpaplano at pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura matapos sanayin ang mga Agricultural and Biosystems Engineers (ABEs) sa pamamagitan ng Training on the Preparation of Detailed Engineering Design (DED) and Program of Works (POW) for Agricultural Structures na isinagawa sa Department of Agriculture – Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON sa Regional Training Center noong Hulyo 20–23, 2026.

Layunin ng pagsasanay na mabigyan ang mga kalahok ng angkop na kaalaman at teknikal na kasanayan sa paghahanda ng Detailed Engineering Design (DED) at Program of Works (POW), na nagsisilbing mahalagang batayan sa pagdidisenyo, pagpaplano, at pagpapatupad ng mga agricultural structures. Naging katuwang ng DA-ATI CALABARZON ang DA – Bureau of Agricultural and Fisheries Engineering (DA-BAFE), na nagsilbing resource persons sa buong pagsasanay. Dinaluhan ang aktibidad ng 30 Agricultural Extension Workers na Agricultural and Biosystems Engineers mula sa iba't ibang lalawigan sa rehiyon, kasama ang isang kawani mula sa DA-PhilRice.

Tinalakay sa pagsasanay ang mga pangunahing konsepto at pamantayan sa paghahanda ng DED at POW, kabilang ang kahalagahan ng DED, mga bahagi ng Program of Works, mga government standards at regulatory requirements, at mga sangguniang gabay sa paghahanda ng mga ito.

Nagkaroon din ng masusing pagtalakay sa paghahanda ng architectural, structural, at plumbing drawings, gayundin sa pagbuo ng scope of work, bill of materials, cost estimates, labor at equipment estimates, at project timeline. Bilang bahagi ng pagsasanay, isinagawa rin ang mga sesyon sa Detailed Unit Price Analysis (DUPA), backup computation para sa cost estimates, Project Evaluation and Review Technique–Critical Path Method (PERT-CPM), S-Curve para sa progress tracking at financial planning, at manpower at equipment utilization.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Dr. Rolando V. Maningas, RAgr, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, ang mahalagang papel ng mga Agricultural Extension Workers at Agricultural and Biosystems Engineers sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura.

“Bilang mga Agricultural Extension Workers at Agricultural and Biosystems Engineers, malaki ang inyong papel sa pagsasakatuparan ng mga programang patuloy na huhubog at magpapaunlad sa agrikultura sa inyong mga lokalidad. Ang mga kaalaman at kasanayang inyong matututunan sa pagsasanay na ito ay tiyak na makatutulong upang makapagplano at makapagpatupad kayo ng mga de-kalidad na proyektong pang-imprastraktura para sa kapakinabangan ng ating mga magsasaka,” ani Dr. Maningas.

Ibinahagi rin ng mga kalahok ang kanilang positibong karanasan sa pagsasanay. Ayon kay Denver Allen Santonia, naging hamon ang masusing proseso ng paghahanda ng DED at POW ngunit naging sulit ang bawat sesyon dahil sa dami ng kaalamang kanyang natutunan at sa pagkakataong makapagbahaginan ng mga karanasan kasama ang kapwa ABEs.

Sa pamamagitan ng pagsasanay, patuloy na pinauunlad ng DA-ATI CALABARZON ang kakayahan ng mga Agricultural and Biosystems Engineers sa rehiyon upang matiyak ang mas maayos na pagpaplano at pagpapatupad ng mga agricultural infrastructure projects na susuporta sa produktibidad at kabuhayan ng mga magsasaka.

 

Panulat ni: Eloisa A. Mariano/ISS

article-seo
bad