ANTIPOLO CITY, Rizal – Ang bulubunduking probinsya ng Rizal, partikular sa Brgy. Calawis, ang nagsilbing tahanan ng mga katutubo, ang tribo ng Dumagat-Remonrado. Sa mga nagdaang panahon, ang kanilang mga nakagisnang gawaing pang-agrikultura ay napagyaman at napatunayan ng mga siyentipiko na mabisa. Subalit, ang kanilang mga gawing ito ay makaluma at hindi naayon sa modernong teknolohiya upang makamit ang hinihingi at pangangailangan ng balanseng kalidad at bilang ng produksyon para sa pansariling pagkonsumo at komersyal na merkado. Ang pangunahing nagiging dahilan ng kanilang limitasyon na patuloy na mapabuti ang kanilang nakagawian ay ang kakulangan sa mga kagamitan at pagkukunan ng mga itatanim.
Ang mga miyembro ng tribo ng mga Dumagat ay naging benepisyaryo ng tulong ektensyon ng Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON noong 2018, sa kanilang programang, “KATUTUBO (KATUwang TUngo sa ProgresiBOng Agrikiltura ng mga Dumagat) Training on Organic Vegetable Production.” Sa patuloy na pagsuporta at pagkilala sa pangangailangan sa mga makabagong teknolohiya sa pagtatanim ng mais bilang potensyal na karagdagang pagkakakitaan ng pamayanan, ang ATI, sa pakikipag-ugnayan sa Opisina ng Pambayang Agrikultor ng Antipolo City at Opisina ng Panlalawigang Agrikultor ng Rizal, ay nagsagawa ng isang (1) araw na seminar, na tinaguriang “Seminar on Corn Production Technologies for the Indigenous People”, noong ika-28 ng Hulyo, 2022.
Tinalakay sa pagsasanay na ito ang pagbibigay ng kaalaman sa pagsasaka ng mais katulad ng tamang pagpili ng binhi, pagpaparami at tamang pag-aalaga sa mga tanim na mais upang sila ay matulungan na makapag ani ng de-kalidad na mais at maitaas ang kita.
Dalawampung (20) miyembro ng tribo ng Dumagat-Remontado ang nakilahok sa isang araw na pagsasanay na pinamunuan ng mga kawani ng Planning, Monitoring and Evaluation Unit (PMEU) ng ATI CALABARZON.
Ulat ni: Angelo H. Hernandez