Binigyang-pansin ang kalusugan at wastong nutrisyon ng 25 senior coconut farmers sa isinagawang Masustansyang Buhay sa Pagniniyugan: Seminar on Nutrition and Healthy Aging for Senior Coconut Farmers noong Agosto 11, 2026, sa San Pablo City, Laguna.
Sa ilalim ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP), layunin ng seminar na mapalawak ang kaalaman ng mga kalahok sa wastong nutrisyon, healthy aging, at mga praktikal na gawaing makatutulong upang mapanatili silang malusog at aktibo sa pagsasaka at pang-araw-araw na pamumuhay.
Nagsilbing resource speaker si Bb. Kayla Guarda, Nutrition Officer II ng National Nutrition Council (NNC) CALABARZON, na nagbahagi ng mahahalagang kaalaman at praktikal na gabay hinggil sa wastong nutrisyon at pagpapanatili ng malusog at aktibong pamumuhay habang tumatanda. Nagbahagi rin ang mga kawani ng DA-ATI CALABARZON ng mga kaugnay na kaalaman at gawaing makatutulong sa mga kalahok sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
Sa kanyang pangwakas na mensahe, binigyang-diin ni Dr. Rolando V. Maningas, RAgr, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalusugan at kapakanan ng mga magsasaka. Aniya, mahalagang mapanatili silang malusog upang patuloy nilang mapakinabangan ang bunga ng kanilang pagsisikap at manatiling aktibo sa kanilang pamilya, komunidad, at kabuhayan.
Isinagawa ng DA-ATI CALABARZON ang aktibidad katuwang ang City Agriculture Office ng San Pablo City at NNC CALABARZON bilang bahagi ng mga inisyatiba sa ilalim ng CFIDP na naglalayong suportahan hindi lamang ang kabuhayan kundi maging ang kalusugan at kapakanan ng mga magniniyog.
Ulat ni: Janine L. Cailo, RAgr