Pinalakas ng Department of Agriculture - Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON, katuwang ang Villar Foundation Farm School and Tourist Farm, ang kakayahan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng Training of Facilitators on Farm Business School (FBS) na isinagawa noong Setyembre 1-10, 2026 sa DA-ATI CALABARZON, Trece Martires City, Cavite.
Layunin ng 10-araw na pagsasanay na ihanda ang mga kalahok sa pagsasakatuparan ng FBS sa kanilang mga lokalidad at maipakita ang malaking potensyal ng pagsasaka bilang kumikitang kabuhayan.
Sa pamamagitan ng mga talakayan, workshop, market survey, at benchmarking activities, napalalim ng mga kalahok ang kanilang kaalaman sa pagsusuri ng farm cost, kita, profitability, market opportunities, at mga suliranin na maaaring makaapekto sa pagpapatakbo ng isang farm enterprise.
Binigyang-diin din sa pagsasanay ang kahalagahan ng marketing, entrepreneurship, value addition, at Good Agricultural Practices (GAP) bilang mga pangunahing estratehiya sa pagpapaunlad at pagpapatatag ng negosyo sa agrikultura.
Kasabay nito, pinalalim din ng pagsasanay ang kaalaman ng mga kalahok sa farm recordkeeping, group marketing, group buying, savings, at business planning, na mahalaga sa paggawa ng mas maayos na desisyon at mahusay na pamamahala ng farm enterprise.
Sa pagtatapos ng FBS, nakabuo ang mga kalahok ng kani-kanilang farm business plan at action plan na maaari nilang iangkop at isakatuparan sa kanilang mga lokalidad.
Ayon kay G. Emmanuel Salada ng HappyThumb Integrated Farm sa Batangas City, naging mahalaga ang pagsasanay sa pagpapalawak ng kaniyang kakayahan hindi lamang bilang magsasaka, kundi bilang isang facilitator ng FBS sa kaniyang komunidad.
“Napagtanto ko na bukod sa teknikal na kaalaman, mahalaga rin ang mahusay na komunikasyon, facilitation, entrepreneurship, at pakikipag-ugnayan sa iba't ibang stakeholders.”
Sa pagtatapos ng programa, nagpaabot ng mensahe ng suporta si Atty. Rhaegee B. Tamaña, kinatawan ni dating Sen. Cynthia A. Villar, para sa mga kalahok at sa patuloy na pagsusulong ng FBS tungo sa mas maunlad na kabuhayan sa kanayunan.
Nagbigay naman ng pangwakas na mensahe si DA-ATI CALABARZON Assistant Center Director Sherylou C. Alfaro, RAgr, kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng patuloy na paglinang ng kaalaman at kasanayan upang mas epektibong matulungan ang mga magsasaka sa rehiyon na mapaunlad ang kanilang kabuhayan at mas maging handa sa mga hamon at oportunidad ng makabagong agrikultura.
Higit sa mga konsepto at kasanayang natutuhan, baon ng mga kalahok ang mas mataas na kumpiyansa at kahandaan na maibahagi ang FBS sa kanilang mga komunidad. Sa pamamagitan nito, inaasahang mas maraming magsasaka ang matutulungan na mapahusay ang pagpaplano, pamamahala, marketing, at pagpapaunlad ng kanilang mga farm enterprise.
Ulat ni: Jannah I. Sarvida, RAgr