ATI CALABARZON, Sinanay ang Meat Inspectors sa Rehiyon tungo sa Pagseguro ng Kalidad ng Karne

Tue, 09/06/2022 - 09:47
The referenced media source is missing and needs to be re-embedded.

TRECE MARTIRES CITY, Cavite- Matagumpay na nagsipagtapos ang dalawampung (20) tekniko sa dalawampung araw na pagsasanay ng Basic Meat Inspection Course na nagsimula noong ika-1 ng Agosto hanggang sa ika-2 ng Setyembre 2022. Ang pagsasanay ay isinagawa ng ATICALABARZON katuwang ang National Meat Inspection Service (NMIS) Regional Technical Operation Center IV-A.

Tinalakay sa naturang pagsasanay ang iba't ibang paksa sa ilalim ng meat inspection at mga batas kaugnay nito. Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga kalahok na mabisita at masuri ang aktwal na proseso na ginagawa sa loob ng Cold Storage, Poultry Dressing Plant, Meat Cutting Plant at mga Slaughterhouse sa probinsya ng Rizal at Batangas.

Bukod sa mga paksang tinalakay, napagtagumapayan din ng mga kalahok ang mga pagsusulit na kalakip sa kurso. Nagbahagi ang ilan sa mga piling kalahok na sina G. Ralph John Abad, Bb. Ailyn Tube, G. Jonnel Albania, G. Renz Marcial Urminita at Dr. Philip Augustus Maristela ng kanilang mga impresyon sa pagsasanay.

Nagpaabot ng mahalagang mensahe si Dr. Orlando C. Ongsotto, Regional Technical Director ng NMIS, sa mga nagsipagtapos kung saan pinaalala niya sa mga ito ang mabigat na responsibilidad na nakaatang sa mga Meat Inspector sa pagpapanatili ng ligtas at dekalidad na karne. Nagpasasalamat din si Dr. Ongsotto sa ATI Calabarzon bilang katuwang sa pagsasanay.

Gayundin, nagpahayag ng pasasalamat at pagbati si Dr. Rolando V. Maningas, OIC Training Center Superintendent II ng ATI CALABARZON sa mga nagsipagtapos dahil sa pagtitiyaga at determinasyon na ipinakita nila sa loob ng dalawampung araw. Kinilala din ang sipag at tiyaga ni Dra. Ma. Theresa D. Magdaraog, NMIS RTOC IV-A MSDCPS Section Head at ni Ms. Marian Lovella A. Parot, ATI Region IV-A Training Specialist I/ Project Officer sa pangangasiwa sa nasabing training. Ang mga nagsipagtapos ay nakatanggap ng 32 CPD units para sa Agriculture at 59.25 CPD units para sa Veterinary Medicine mula sa pagsasanay na ito.

Nilalaman: Diane Mariz De Castro at Marian Lovella A. Parot
Edited: Vira Jamolin

article-seo
bad