Ang mekanisasyon sa agrikultura ay isa sa mga pangunahing landas tungo sa mas produktibong pagsasaka. Ito ay nagbibigay daan sa mas mabilis na produksyon, mas mataas na ani, at mas mababang gastos para sa mga magsasaka. Ang modernong teknolohiya at makinarya ay nagsisilbing mga kasangkapan upang mapabilis at mapagaan ang iba't ibang yugto ng pagsasaka, mula sa paghahanda ng lupa hanggang sa pag-ani.
Sa kabila ng iba’t ibang hamon sa pagsasaka, nagsisilbing ehemplo si G. Higenio Cuento, isang magsasaka mula sa Nagcarlan, Laguna, sa pagyakap sa modernong pagsasaka. Kasama ng kanyang pamilya, sila ay nagsisilbing modelo ng pag-usbong ng pagbabago at tagumpay sa larangan ng agrikultura, lalo na sa mekanisasyon sa pagpapalay sa tulong na hatid ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).
Isang mahalagang aspeto ng tagumpay ni G. Higenio ay ang kanyang pagiging farm cooperator ng Learning Site for Agriculture (LSA) sa ilalim ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON. “[Ang DA-ATI] ay patuloy na tumutulong sa Masaganang Bukid para maging lalong epektibo, makapag-serbisyo kami sa mga kapwa ko magsasaka na nangangailangan ng serbisyo.” Bilang LSA, nagsilbing gabay si Hueno sa kanyang komunidad, nagbibigay ng mga seminar at pagsasanay ukol sa mga bagong teknolohiya sa agrikultura. Sa pamamagitan ng edukasyon at pagbabahagi ng kanyang kaalaman, naging mas handa ang kanyang komunidad na harapin ang agos ng modernisasyon.
“Malaki din po ang naitulong sa akin ng DA-ATI sa pagpupundar ng aming LSA sa mga training na pinagkaloob po nila sa akin. Dahil doon sa mga training na ibinigay nila, na-itinuturo ko din iyon sa aking mga training na kina-conduct dito sa aking Learning Site for Agriculture,” aniya.
Ang Masaganang Bukid Agricultural Learning Center, na itinatag ni Hueno, ay naging sentro ng kasanayan at kaalaman sa agrikultura. Dito, masiglang nagsasagawa ng mga pagsasanay at demo ang mga magsasaka ukol sa tamang paggamit ng makinarya. Ang mga seminar na ito ay nagbubukas ng mga bagong oportunidad para sa masusing pagsasanay at pag-unlad ng kaalaman sa pagsasaka.
“Nag offer po kami sa aking mga kapwa magsasaka ng mga training para sa Farmer Field School sa rice na under po ng RCEF at ng TESDA na binibigyan po ng pondo ng TESDA para po ma-train namin ang mga farmers sa mga makabagong teknolohiya mga karagdagang kaalaman sa pagpapalay kahit po sila magagaling na mag- palay,” dagdag pa ni G. Cuento.
Sa pamamagitan ng RCEF, nagsilbing tulay si Hueno upang maabot ng kanyang komunidad ang pagtanggap sa modernisasyon sa agrikultura. “Iminumulat po namin ang mga magsasaka sa mga bagong makinarya na dati- rati po ay ayaw nilang gamitin,” ani ni G. Cuento.
“Ipakita namin kung gaano kayo efficient o kagaling yung sinasabing mechanical combine harvester ng makita ng mga farmer na applicable kahit sa mga elevated o upland rice field, naengganyo sila na sa susunod ako pagkatapos nung mga training nila gagamitin na nila,”dagdag pa ni G. Cuento.
Sa tulong ng ng pamilyang Cuento, naging mas malawak ang pang-unawa at kaalaman sa modernisasyon sa pagsasaka sa kanilang komunidad at higit sa lahat, sa kapwa nila magsasaka. Maliban pa sa pagsasanay ay nakakatanggap din ang mga magsasaka ng libreng binhi, abono, at makinarya na nagdudulot ng mas maliit na gastos at mas mataas na produksyon. Kasabay nito, ang edukasyon at pagsasanay ay nagiging mga susi sa pagtanggap ng mga magsasaka sa mga pagbabago at inobasyon. “Ang Masaganang Bukid po ay patuloy na umi-engganyo sa ating mga magsasaka sa mga kabataan na mag-aaral dito sa aming farm school ng sa ganun po ay mamulat ang mga magsasaka na ang ating gobyerno ay walang tigil na sumusuporta sa ating mga magsasaka ngayon lalo na yang programang RCEF na talaga pong libreng pamimigay ng mga makinarya sa ating mga magsasaka,” ani Hueno. Ang RCEF ay isang gabay sa pagtatagumpay sa landas ng mekanisasyon, kung saan si Hueno ay naging buhay na halimbawa ng tagumpay sa kanyang komunidad.
Story by: