Unang FITS Kiosk sa Nagcarlan, inaasahang magbibigay-suporta sa produksyon ng palay sa tulong ng digital tools

Sun, 06/30/2024 - 15:57
Nagcarlan Fits kiosk

 

TRECE MARTIRES CITY, Cavite – Upang mapaigting ang pagpapalaganap ng impormasyon ukol sa pagpapalay at serbisyo sa ilalim ng programang Rice Competitive Enhancement Fund (RCEF), inilunsad ng Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON ang Masaganang Bukid Agricultural Learning Center sa Nagcarlan, Laguna bilang unang Farmers’ Information and Technology Services (FITS) Kiosk sa bayan noong ika-25 ng Hunyo, taong kasalukuyan.

Pinangunahan ni Center Director Dr. Rolando V. Maningas ang ceremonial signing at turnover ng nasabing FITS Kiosk na inaasahang magbibigay ng suporta sa produksyon ng palay sa tulong ng digital tools.

Ang Masaganang Bukid Agricultural Learning Center ay kaagapay ng ahensya sa iba’t ibang pang-ekstensyon na gawain tulad ng mga pagsasanay para sa mga magsasaka at pagpapakita ng mga teknolohiya sa pagpapalay bilang isang Learning Site for Agriculture (LSA) I.

Tinanggap ni G. Francis Cuento, na nagsilbing kinatawan ni G. Higenio Cuento, ang mga kagamitan sa FITS Kiosk tulad ng smart tablet, printer, at mga babasahin ukol sa pagpapalay. 

Magsisilbi itong satellite ng FITS Center Nagcarlan, Laguna sa pagbibigay ng mga babasahin ukol sa teknolohiya, hindi lamang sa pagsasaka kundi maging sa pagpapalay at pagbibigay-kaalaman sa iba’t ibang digital tools tulad ng Rice Crop Manager Advisory Service (RCMAS) upang mapataas ang kanilang produksyon. 

Ulat ni: Janine L. Cailo

 

 

article-seo
bad